Icad stint ni Leni aprub sa Pinoy–survey

MARAMING Pilipino ang naniniwala na ang pagsibak kay Vice President Leni Robredo bilang co-chairman ng Inter-Agency Committee on anti-Ilegal Drugs ay pag-amin na bigo ang war on drugs ng Duterte government.

Ayon sa survey ng Social Weather Stations na isinagawa mula Disyembre 13-16, naniniwala ang 49 porsyento (18 porsyentong labis na sumasang-ayon at 31 porsyentong medyo sumasang-ayon) na ang pagtanggal kay Robredo ay pag-amin ng administrasyon na ang giyera nito laban sa ipinagbabawal na gamot ay nabibigo.

Hindi naman sang-ayon dito ang 21 porsyento (10 porsyentong lubos na hindi sumasang-ayon at 11 porsyentong medyo sumasang-ayon).

Noong nakaupo pa sa Icad naniniwala ang 60 porsyento na may karapatan si Robredo na makita ang listahan ng mga high value targets at 15 porsyento ang hindi sang-ayon dito. Ang undecided naman ay 25 porsyento.

Umabot naman sa 44 porsyento ang nasisiyahan sa ginawa ni Robredo sa maikling panahon nito sa Icad at 26 porsyento naman ang hindi. At ang undecided ay 30 porsyento.

Mas marami rin ang naniniwala na sinsero si Pangulong Duterte nang italaga nito si Robredo sa posisyon—44 porsyento ang nagsabi na sinsero, 27 porsyento ang hindi at 29 porsyento ang undecided.

Adik kumonti

Naniniwala naman ang 73 porsyento na nabawasan ang bilang ng mga gumagamit ng ipinagbabawal na gamot ngayon kumpara noong Hunyo 2016, at 14 porsyento naman ang nagsabi na ito ay tumaas. Ang 12 porsyento naman ay naniniwala na walang pinagbago.

Mayorya naman ng mga Pilipino ang naniniwala na maraming paglabag sa karapatang pantao gaya ng extrajudicial killing ang war on drugs. Sinabi ng 76 porsyento na maraming nangyari na paglabag sa karapatang pantao at 24 porsyento ang nagsabi na konti lang.

Kinuha ng SWS ang opinyon ng 1,200 respondents. Mayroon itong plus/minus 3 porsyento.

Read more...