Matteo, Derek, Melai tinawag na superhero ng Taal victims: Sila ang tunay na bayani

BAYANING-BAYANI ang turing ngayon kina Angel Locsin, Matteo Guidicelli, Derek Ramsay at iba pang kilalang celebrities dahil sa agarang pagbibigay nila ng tulong sa mga nasalanta ng kalamidad sa Batangas.

Puring-puri ng madlang pipol ang personal na pamimigay ng relief goods ni Matteo sa Sto. Tomas City, Batangas, kasama ang mga kapwa sundalo mula sa Philippine Army.

Sa kanyang Instagram account, ipinost ng Kapamilya actor ang ginawang pagbisita ng kanyang Army team sa isang evacuation center sa Barangay Poblacion 3 sa Sto. Tomas para mamahagi ng relief goods.

Makikita sa mga litrato ni Matteo ang ginamit nilang military truck sa paghahatid ng mga pagkain, tubig at mga damit sa mga evacuees.

“Thank you very much @landersph team for the generous donation of relief goods to the Philippine Army for victims of the eruption. Landers is accepting donations, follow @landersph for more information!!” ang caption ng boyfriend ni Sarah Geronimo sa kanyang IG post.

* * *
Tuwang-tuwa naman ang mga Batangueño nang personal nilang makita ang Kapuso hunk na si Derek Ramsay para magbigay din ng relief goods sa mga naapektuhan ng pagputok ng Taal volcano.

Nagtungo sa ilang lugar sa Lipa City, Batangas si Derek kabilang na ang evacuation center sa Inosluban Marawoy Elementary School. Sa isang video na kumalat sa social media, makikita ang boyfriend ni Andrea Torres na buhat-buhat ang mga kahon na naglalaman ng pagkain at iba’t ibang uri ng inumin.

Talagang pinagkaguluhan si Derek ng evacuees na game na game ring nakipag-selfie sa mga Batangueno.

Kahit na naapektuhan din ng malawakang ashfall ang bahay nina Derek sa Tagaytay ay nagdesisyon pa rin ang binata na makapaghatid ng kaunting tulong sa mga taga-Lipa.

Nanawagan din ang hunk actor sa publiko sa pamamagitan ng kanyang social media accounts na tumulong din sa kahit anong paraan. Ibinahagi rin niya sa kanyang post kung saan maaaring maghatid ng donasyon at kung saan matatagpuan ang iba pang evacuation centers sa Lipa.

* * *

Kung tatakbong senador si Angel Locsin sa susunod na eleksyon, siguradong mananalo raw ang Kapamilya actress dahil sa ginagawa niyang pagtulong sa mga biktima ng kalamidad sa bansa.

Saludo ang mga netizens sa agarang paghahatid ng tulong ni Angel sa mga nasalanta ng pagsabog ng Bulkang Taal. Siya ang kauna-unahang celebrity na nanawagan sa madlang pipol para alamin kung ano-ano ang mga pangunahing pangangailangan ng mga naapektuhan ng pagsabog ng bulkan.

Ilang sandali lang ang nakalipas ay makikita na ang aktres na personal nang inaayos ang relief goods na kanilang ipamimigay. Bukod sa pagtawag sa kanya bilang bagong bayani, binansagan din siya bilang “real-life Darna” dahil isang tunay na superhero ang turing sa kanya ng kanyang followers.

Kaya naman karapat-dapat talaga siyang mapasama sa listahan ng Forbes Asia bilang isa sa Heroes of Philanthropy.

Kahapon, muling nag-post si Angel sa kanyang Facebook account at nag-alay ng dasal para sa mga naapektuhan ng kalamidad.

“Almighty Father you are the most powerful God that could put and end to all the calamities that are happening now. We beg for your mercy to please bless your children sufferings from these calamities.

Especially those in the nearby town of Taal volcano from its eruption. Amen. [praying hands emoji],” mensahe ng aktres.

* * *
Ang isa pang pinuri ng madlang pipol ay ang TV host-comedian na si Melai Cantiveros at asawa nitong si Jason Francisco.

In fairness, personal talaga nilang inasikaso ang pagbili ng relief goods na ipadadala nila sa mga biktima ng Taal eruption.

Makikita sa mga litratong kumalat sa social media ang mag-asawa na nagrerepake ng kahun-kahong grocery items, kasama pa ang kanilang mga anak at ilang kapamilya.

Isa rin si Melai sa mga nag-donate ng pagkain at damit sa mga naging biktima ng sunod sunod na lindol sa Mindanao noong Nobyembre, 2019. Aniya sa isang panayam, na-inspire talaga siya sa ginagawang pagtulong ni Angel sa lahat ng mga kababayan nating naaapektuhan ng kalamidad at trahedya sa Pilipinas.

Read more...