Kulay ng bawat SB19 member sa ‘Alab’ video may iba’t ibang paandar

SB 19

ANG SB19 ang Pinoy pop group na masasabing napakabilis ng pagsikat dahil nga sa kanilang K-Pop-inspired style sa pananamit at pagkanta.

Koreans din kasi ang manager nilang sina Charles Kim at Robin Geong o mas kilala bilang si Tatang Robin na siya ring namahala sa training nila sa Korea.

Sa ginanap na launching ng ikatlong single ng SB19 na “Alab” ay nabanggit nina Sejun, Stell, Josh, Ken at Justin na hindi nila inisip na papalo agad sa 500,000 views sa YouTube ang music video nila makalipas lang ang 24 oras. At habang sinusulat namin ito ay mahigit 1 million views na ito.

Sulit ang puyat, pagot at gutom nila sa pagsu-shoot ng kanilang MTV na umabot sa 28 oras kaya naman nagpasalamat nang husto si Justin sa suporta ng A’TIN fans.

“Very thankful kasi hindi po mangyayari lahat ‘to kapag hindi po sila nag-support from the start. Until now they’re trying to introduce us to other people parang yung friends nila, yung family, talaga pinapakilala nila,” sabi naman ni Sejun.

Ayon kay Tatang Robin, CEO ng ShowBT Philippines, pinlano talaga nila ang MTV ng “Alab” kaya from the heart ang concept nito. Kasado na rin ang career plan ng grupo ngayong 2020 kabilang na ang mga concert sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas and hopefully abroad bukod pa sa isa lang album.

Si Tatang Robin din ang may ideya na magkaroon sila ng kanya-kanyang kulay para sa “Alab” MTV. Pula ang pinili ni Josh na habang kumakanta ay may mga pulang tali sa paligid.
“Ako ‘yung tao na dominant ‘yung personality ko. I don’t want anything to control me pero by falling in love, parang nako-control po ako nu’ng kung sino man or kanino ako nai-in love,” aniya pa.

Itim ang pinili ni Ken na nasa loob naman ng box na babasagin sa kanilang video, “The box represents my comfort zone. Kasi may character din po ako na I don’t want to look vulnerable po sa harap ng mga tao. I don’t want to look weak.

“So as much as possible, hindi po ako vocal sa feelings ko sa mga tao kasi baka po ma-reject ako or ma-disappoint lang ako so ayoko pong magmukhang mahina sa kanila.
“But sa love po parang du’n ko na-realize na walang ibang paraan, you have to get out of that box, sirain yung box na yun para ma-express ko yung feelings ko,” sabi pa ng binata.

Kulay Green naman si Justine, “Yung story po nu’ng zone ko na parang I don’t know what to express, parang pinaplastik ko ‘yung sarili ko na meron akong pinapakitang iba’t ibang emotions towards the girl na, ‘Ah baka kailangan kong maging maangas, kailangan kong maging cute sa kanya. In the end, na-realize ko na kailangan ko lang maging sarili ko.”

Si Stell ay yellow na bagay sa personalidad niya dahil, “Tulad po ng sabi ng fans na parang ako daw po yu’ng nagre-represent ng ray of sunshine. In-accept ko na po ‘yun na aminado naman po ako sobrang vocal po ako sa lahat ng bagay, talkative po talaga akong tao, sobrang showy, sobrang kung anong nasa loob ko po sinasabi ko po. Yun po yung pinakita ko sa music video.”

Violet naman ang kay Sejun, “Initially, kaya ko siya pinili kasi sa flame, siya po yung pinaka-mainit sa color palette po ng flames. Sa ngayon po, somehow, siguro nare-represent po nung yung personality ko. Pero hindi ko po masasabi na fully na personality ko talaga yun kasi sobrang cute po nung pinaggagawa ko dun na kahit ako nagki-cringe na ako sa ginagawa ko sa music video.”

Sabi ni Ken tungkol sa tinatamasa nilang kasikatan ngayon, “Masaya, kasi hindi po namin ine-expect na ganun yung tanggap ng mga tao sa amin.
“So, para sa akin sobrang nakaka-overwhelm lang po na ma-appreciate nila yung music na ginagawa namin. We worked hard for it. Yung ma-appreciate ka lang ng tao, sobrang saya na sa pakiramdam,” aniya pa.

Nabanggit ng SB19 na pangarap din nilang makatrabaho sina Gary Valenciano, Morissette at Sarah Geronimo.

Read more...