Mansyon ni Willie sa Tagaytay inulan ng putik at abo

WILLIE REVILLAME

Nasa elementarya pa kami nang masilayan namin ang kagandahan ng bulkang Taal. Galing kami nu’n ng aming pamilya sa Sampaga, Balayan, Batangas at nu’ng pauwi na kami ay dumaan ang bus sa mismong tagiliran ng bulkan.

Dahil gabi na ay kitang-kita namin ang apoy mula sa bunganga ng bulkan, napakaganda nitong pagmasdan, parang postcard ‘yun sa kanyang kagandahan.

Pero nu’ng nakaraang Sabado nang madaling-araw ay pumutok ang bulkan, umabot ang mga abo ng pag-aalburoto nito hanggang sa mga bayan ng Calabarzon, sa mga oras na ito ay damay na rin ang maraming lugar sa Maynila.

Si Willie Revillame agad ang naisip namin, nasa Tagaytay ang kanyang mga bahay, ang pinakamalapit sa bulkan ay ang kanyang mansiyon at mga villa sa Iruhin, mula sa rooftop nu’n ay kitang-kita ang nag-iimbitang kagandahan ng Taal volcano.

Nag-text agad kami sa kanya, pero puro kalokohan ang kanyang sagot sa aming tanong kung ligtas ba siya, kumusta na ba ang kanyang mga bahay sa Tagaytay?
“Heto, nasa mismong loob nga ako ng bulkan, medyo mainit lang. Salamat sa pag-alala, wala na ako du’n, lumipad na kami pabalik ng Manila kanina pa,” nagbibirong sagot ng sikat na aktor-TV host.

Punumpuno ng putik at abo ang kanyang bakuran sa Iruhin, hindi ‘yun puwedeng makaligtas sa pagsabog, dahil malapit na malapit lang sa Taal Lake ang kanyang mansiyon.

Maraming kaibigan din naming nakatira sa Cavite at Laguna ang nahihirapan ngayon dahil sa matinding pag-ulan na putik ang bumabagsak dahil sa pagsabog ng bulkang Taal.

Harinawang maging maayos ang kalagayan ng mga kababayan nating apektado ng pagsabog, sa mga ayaw pang iwanan ang kanilang mga ari-arian ay maisip sana nila na iisa lang ang buhay, huwag na nilang isugal pa habang may panahon.

Read more...