Piolo nagdiwang ng kaarawan habang sumasabog ang Taal: B-day wish ko ang kaligtasan ng lahat

SUMABAY sa ika-43 kaarawan ng Kapamilya actor na si Piolo Pascual ang pagputok ng Taal Volcano kahapon, Jan. 12.

Kaya naman ang kaligtasan ng sambayanang Pinoy ang birthday wish ni Piolo habang patuloy ang pag-aalburoto ng Bulkang Taal.

Sa resthouse niya sa Mabini, Batangas nagdiwang ng kanyang birthday ang award-winning actor.

Sa kanyang Facebook account, ipinost ng binata ang kanyang litrato habang nakasakay sa isang speedboat. Nakatalikod ang aktor habang nakatanaw sa makapal na usok na ibinuga ng Taal Volcano.

Mensahe ni Papa P, “My birthday wish right now is for everyone to be safe… [praying hands emoji].”

Bukod dito, nag-post din si Piolo sa YouTube ng isang video na kuha sa kanyang birthday celebration na may titulong, “My Birthday Salubong.”

Nakataas pa rin sa Level 4 ang alert status kaugnay ng pagsabog ng bulkan, ibig sabihin sobrang mapanganib na ang paligid ng Bulkang Taal at ang mga kalapit lugar nito.

Bukod kay Piolo, nag-alay din ng dasal ang iba pang artista para sa kaligtasan ng bawat isa sa gitna ng kalamidad, lalo na ang mga direktang apektado ng pagsabog ng Taal Volcano.

Read more...