BUMISITA noong Martes ang mga opisyal ng Department of Education (DepEd) at Philippine Sports Commission (PSC) sa Marikina City para tingnan ang mga pasilidad na gagamitin para sa 2020 Palarong Pambansa ngayong Mayo 1 hanggang 9.
Nakipagkita sina DepEd Secretary Leonor Magtolis Briones at PSC Chairman William Ramirez kay Marikina City Mayor Marcelino Teodoro para pag-usapan ang pagiging punong-abala ng tinaguriang Shoe Capital ng Pilipinas sa taunang palaro para sa mga elementary at high school athletes.
Ang 16-sport competition ay ibinigay sa lokal na pamahalaan ng Marikina City matapos na ang orihinal na host na Occidental Mindoro ay umayaw sa pagiging punong-abala ng torneo.
Umayaw ang mga opisyales ng lalawigan ng Occidental Mindoro bilang host ng Palaro matapos masalanta ng Bagyong Tisoy nitong nakaraang Nobyembre. Nagdesisyon naman ang local government unit ng lalawigan na gamitin na lamang ang kanilang budget para sa 2020 Palaro hosting sa mga naging bikitima ng bagyo. Ito sana ang unang hosting ng lalawigan at ikalawang pagkakataon sana para sa MIMAROPA region matapos ang hosting ng Puerto Princesa City noong 2008.
Samantala, ito ang unang pagkakataon ng Marikina na maging host ng Palaro matapos na ang 1980 edisyon na sana ay iho-host ng lungsod ay makansela para magbigay daan sa isinagawang Palarong Bagong Lipunan.
Ang nasabing hosting ay ang ikalimang pagkakataon naman para sa National Capital Region (NCR) na huling nag-host sa Quezon City noong 1966.
Hangad naman ng NCR ang kabuuang ika-16 kampeonato sa Palaro.