Tambalang Edgar Allan-Coleen may kakaibang magic; nagpakilig sa ‘MIA’

SINO’NG mag-aakalang malakas pala ang chemistry on screen nina Coleen Garcia at Edgar Allan Guzman?

Nasaksihan namin ito sa ginanap na media screening ng pelikula nilang “Mia” sa Fishermall Cinema 1 kamakailan na dinaluhan mismo ng dalawang bida.

Nang unang ikuwento sa amin ng producer ng movie na si Chris Cahilig na magsasama sa pelikula sina Coleen at EA, ang sagot namin sa kanya ay, “Talaga?”. E, kasi nga ang unang pumasok sa isipan namin ay ang sosyal ni Coleen at pangmasa naman si EA kaya kumbagan sa kanta, parang “sintunado.”

Pero sagot sa amin ni Chris, “Bagay sila, you should watch the movie.”

Nakumbinsi naman kami dahil in fairness, naaliw kami sa trailer dahil may funny scenes sina Coleen at EA na bumenta rin sa netizens kaya nga umabot na ito sa 6 million views pagkatapos i-post ni Chris sa YouTube.

Nang dumating na ang media screening, the usual hindi kami nag-e-expect masyado kasi nga ilang romcom movie na ang napanood namin pero waley naman. Pero dito sa “Mia” sa totoo lang, sa buong pelikula wala kaming ginawa kundi tumawa.

Nakakatawa kasi talaga ang mga eksena ni Coleen as Mia, isang doktora na naging lasengga dahil namatay ang kanyang fiance matapos itong mag-propose sa kanya.

At kapag nalalasing na siya ay hindi na niya alam ang nangyayari hanggang sa dumating sa buhay niya si Jay (Edgar Allan) na walang ginawa kundi alalayan siya at iligtas sa tiyak na kapahamakan.

May ilang drama scenes ang dalawa pero hindi naman heavy ngunit siguradong tatagos din sa puso ng manonood.

Bentang-benta rin sa amin ang kuwentong ikinasal ang kapatid ni EA sa istorya kung saan dumalo si Coleen at siya pa ang nakasalo ng bouquet at ang aktor naman ang maglalagay ng garter.

Hindi pala alam ni Coleen na dumalo siya sa kasal kasi nga langung-lango siya sa alak. Kaya nu’ng bumalik ang kanyang katinuan at ipakilala siya ni EA sa pamilya nito ay laking gulat niya kung bakit kilalang-kilala na siya ng lahat pati ang kanyang nakaraan.

Doon lang niya nalaman ang lahat lalo na nang ikuwento sa kanya ng bunsong kapatid ni EA na nag-gate crasher lang pala siya sa kasal at ikinuwento ang buong nangyari sa naudlot niyang kasal.

Inakala ni Coleen na ang tanging nakakaalam lang ng lahat tungkol sa nangyari ay si Bru, ang Bromeliad plant na ibinigay sa kanya ng namatay na boyfriend noong mag-propose ito ng kasal.

Si Bru kasi ang tanging kausap at kasama ni Coleen sa kanyang pag-iisa kaya pala importante sa pelikula ang nasabing halaman.

Magkatuwang sina Direk Veronica Velasco at Jinky Laurel na sumulat ng script ng “Mia” na may kinalaman din sa climate change at pakiwari namin ay sinadya nilang gumawa ng ganitong klase ng pelikula para gisingin ang mga taong hindi marunong magpahalaga sa ating kapaligiran.

Dito naman pumasok ang karakter ni EA bilang si Jay Policarpio na isang forester pero may konek ang pamilya sa pagmimina.

Sa buhay pag-ibig naman ni Mia Salazar ay story of hope and second chances dahil nga sa gitna ng depresyon ng doktora ay ipinakita sa kanya ni Jay na may pag-asa pa.

Simpleng love story pero kapupulutan ng aral ang “Mia” na mapapanood na sa Enero 15 mula sa Insight 360 Productions at Viva Films.

Sana’y bigyan din ng chance ng mga kababayan natin ang “Mia” na isang indie movie mula sa kaibigan nating filmmaker-producer na si Chris Cahilig. Dasal nila na kumita ang pelikula para makapag-produce uli at makapagbigay pa ng trabaho sa mga taga-industriya.

Read more...