TOTOO ang mga sinabi nina Edgar Allan Guzman at Coleen Garcia tungkol sa bago nilang romcom movie, ang “Mia” na idinirek ni Veronica Velasco.
In fairness, maganda ang pagkakabuo ni Direk Roni sa pelikula, talagang pinag-isipan ang bawat eksena pati na ang pagkaka-edit nito dahil hindi mo talaga mahuhulaan agad kung ano ang magiging ending ng kuwento.
At tulad ng ipinangako ng lead stars ng “Mia” na sina Coleen at EA, lalabas kayo ng sinehan na nakangiti at punumpuno ng pag-asa at inspirasyon, lalo na kung ikaw ay broken hearted at feeling wala ng pag-asang magkaroon ng “forever”.
Iikot ang kuwento ng movie kay Mia (Coleen), isang self-destructive alcoholic na doktor na pilit mag-move on sa pagkamatay ng kanyang fiancé. Habang nagluluksa, unti-unting pinapatay ni Mia ang sarili sa araw-araw na paglalasing hanggang sa makilala niya si Jay, isang forester na magtatangkang pagalingin ang sugatan niyang puso.
Parehong magaling sina Coleen at EA kaya naman effortless ang kanilang mga eksenang pakilig, lalo na nu’ng unti-unti nang nahuhulog ang loob ni Jay kay Mia. Refreshing ang tambalan ng dalawa kaya siguradong positibo rin ang magiging reaksyon ng lahat ng manonood sa pelikula.
At agree rin kami sa sinabi ni EA na grabe rin ang “struggle” niya sa “Mia” dahil sa kilometric dialogue niya na puro English. Pero sabi nga ni Direk Roni sa pagsisikap at sa determinasyon ng aktor na mabigyan ng hustisya ang pagiging “doctor” ng kalikasan, papalakpakan n’yo talaga siya sa movie.
Para naman sa mga nagpapantasya kay EA may topless scene siya sa pelikula kung saan bumabad ang kanyang hubad na katawan. At sa mga kalalakihan at katomboyan naman, may bonus para sa inyo si Coleen kung saan talagang ibinandera ng aktres ang kanyang kaseksihan at kakinisan!
Pero ang talagang nagmarka para sa amin ay ang twist sa bandang huli ng movie kung saan ipinakita ang mga eksena ni Coleen na siya palang sasagot sa mga tanong ng manonood, kabilang na riyan ang mga misteryong nagaganap kapag nalalasing siya! Kung nag-enjoy kayo sa twist ng blockbuster hit na “Kita Kita” nina Alessandra de Rossi at Empoy Marquez, tiyak na magugustuhan n’yo rin ang pasabog ng “Mia”.
Hindi rin siyempre magpapatalbog ang isa pang “karakter” sa movie, si “Bru” ang halamang nakasama ni Mia sa kanyang journey mula sa pagiging lasengga hanggang sa araw kung saan muli niyang na-appreciate ang buhay. Siguradong mamahalin n’yo rin si Bru dahil talagang hindi niya iniwan si Mia kahit na nilulunod na rin siya nito sa alak. Ha-hahaha!
Sab inga ni Coleen sa isang panayam tungkol sa pelikula, “It’s about standing up again, more than, you know, trying to find somebody else. More than trying to go back into the next relationship to find somebody who’ll be there. It’s not about companionship so much, it’s more about finding that hope and trying to, I guess, recover that hope in somebody else as well.”
Ang “Mia” ay mula sa Viva Films at Insight 360 Films na pag-aari ng PR guru at award-winning filmmaker na si Chris Cahilig. Kasama rin sa movie sina Yayo Aguila, William Martinez, Star Orjaliza, Jeremy Domingo, Sunshine Teodoro, Pau Benitez at Xenia Barrameda. May special participation din dito si Billy Crawford.
Showing na ito sa Jan. 15 nationwide. Pero bago ito, magkakaroon din ng National Mia Day na magaganap sa Cinema 1 ng SM Megamall kung saan makakapanood ng libre ang lahat ng may pangalang Mia. Iikot din sina Coleen at EA sa mga sinehan para samahan ang mga manonood ng Mia, kabilang na riyan ang Fishermall Malabon at Quezon Avenue sa Jan. 12).