TUNGKOL sa pagnanakaw o pangnenenok ang kuwento ng bagong family-comedy movie na “D’ Ninang” under Regal Entertainment.
Bida rito sina Ai Ai delas Alas, McCoy de Leon, Angel Guardian, Kisses Delavin, Kiray Celis at Lou Veloso mula sa direksyon ni GB Sampedro.
Sa ginanap na mediacon ng pelikula kamakailan, natanong ang mga miyembro ng cast kung na-experience na ba nilang manakawan o naka-witness na ba sila ng nakawan sa tunay na buhay.
“Ako po hindi pa ako nakakakita ng live na nagnakaw, pero na-experience ko po ‘yun. Kasi nu’ng nagda-drive po ang daddy ko papunta sa busy na lugar dito sa Manila tapos natrapik po so, tumigil ang sasakyan namin,” simulang kuwento ni Kisses.
“And then binaba ko po ‘yung bintana kasi naiinitan po ako, e, ‘yung magnanakaw po tumakbo po siya sa akin. Hindi ko namamalayan kasi nagse-cellphone ako, tapos kinuha niya po ‘yung cellphone ko, tapos kinuha ko rin po sa kanya.
“Naiyak po ako tapos sinabi ko sa tatay ko, ‘daddy nagawa ko ‘yun ha! Ninanakawan ako ng magnanakaw, ninakaw ko rin sa kanya. ‘Yun po ‘yung na-experience ko kasi galit na galit po siya (magnanakaw) kasi nakuha ko ulit ‘yung cellphone ko,” natatawang kuwento pa ng dalaga.
Ang karakter ni Kisses sa movie ay, “Ako po si Mikay, anak po ako ng the one and only Comedy Queen, si Miss Ai Ai, D’ Ninang. Ako po rito ay taong malakas ang kapit sa tama at magkikita po kami ng nanay ko pagkatapos ng mahabang panahon.”
Samantala, alam naman ng lahat ng naging biktima na rin ng Akyat-Bahay si Ai Ai kaya medyo nakaka-relate siya sa tema ng pelikula. Gaganap nga siya rito bilang magnanakaw na tumutulong sa kanilang komunidad. Makikilala niya ang kanyang long-lost daughter na si Mikay na walang idea sa kanyang ilegal na gawain.
“Ako po ay isang ninang dito, ako ‘yung lider ng mga magnanakaw. Si Angel Guardian (Sol) ‘yung right hand ko tapos bigla kong na-meet ‘yung anak ko si Kisses and doon iikot ‘yung istorya kung paano ko naging isang ina, kung paano ko naging magnanakaw. Lahat ando’n,” kuwento ng komedyana sa media launch ng “D’Ninang”.
“Pampamilya ito, ibang klaseng istorya naman ‘to. Iba ‘yung tema ng movie, nakakatuwa kasi hindi siya gory, chill s’ya, maganda ‘yung mga batuhan ng mga comedy. Di ko ine-expect na gano’n pala s’ya nakakatawa. Simple lang s’ya, may puso, at saka napapanahon din ‘yung istorya. Siyempre mahirap, mga magnanakaw, and nakakatuwa kasi ‘yung mga bagets na nandito ay talagang binuhos nila ‘yung galing nila sa pelikula,” pahayag pa niya.
Base sa trailer ay gusto ni Kisses na maging abogado at hindi siya pabor sa mga gumagawa ng masasama katulad ng pagnanakaw kaya naman ingat na ingat sa kanya si D’ Ninang (Ai Ai). Nakakatawa ang ilang mga eksena sa pelikula at hindi naman namin nakitaan ito ng kakornihan dahil natural na natural ang mga bitawan ng punchlines ng bawa’t karakter.
Sabi ni direk GB nang makausap namin pagkatapos ng presscon, “Masaya itong movie, it’s about family at comedy pa hindi sayang ang ibabayad ninyo.”
Mapapanood na ang “D’ Ninang” sa Enero 22 mula sa Regal Films at may premiere night din sa Lunes, Enero 20 sa SM Megamall Cinema 1.