Dalagitang may kapansanan kinatay

NATAGPUANG patay ang 16-anyos na dalagitang may kapansanan matapos gulpihin at saksakin, sa Tayabas City, Quezon, nitong Huwebes.

Hinihinalang hinalay pa ang biktima, kaya ipinasusuri ang katawan nito.

Natagpuan ng kanyang ama ang mga labi ni Danica Necerio dakong alas-6 ng umaga, sa Brgy. Ibabang Bukal, ayon sa ulat ng Quezon provincial police.

Kinakitaan ang dalagita ng pasa sa iba-ibang bahagi ng katawan at saksak sa kaliwang bahagi ng leeg.

Walang saplot pang-ibaba ang biktima, kaya ipinasusuri ang katawan nito para malaman kung siya’y hinalay, ayon kay Maj. Mark Amat, officer-in-charge ng Tayabas police.

“Hindi pa natin matumbok kung ganoon talaga ang nangyari, baka kasi nanlaban ang biktima dahil PWD. Pero hinihintay pa natin ang resulta ng examination,” sabi ni Amat nang kapanayamin sa telepono.

Dumaranas umano ng autism ang dalagita, at noong Enero 7 pa huling nakitang buhay.

Naaresto naman sa follow-up operation noong Huwebes ng gabi ang suspek na si Jun Ryan Francia alyas “Bagamon,” 33, residente ng Brgy. Ibabang Bukal.

Dinampot si Francia dahil maraming nagturo sa kanya bilang huling kasama ng biktima, ayon kay Amat.

Hinahandaan na siya ng kaukulang kaso, ayon sa police official.

Nadiskubre ang bangkay ni Necerio ilang araw lang matapos matagpuang patay ang isang 8-anyos na si Janelle Sanchez, na hinihinalang ginahasa rin, sa bayan ng Candelaria, noong Lunes.

Naaresto din at sinampahan na ng kaso ang suspek sa pagpatay kay Sanchez na si Ricardo Burce, 55.

Read more...