NILINAW ng dating housemate sa PBB house na si Kisses Delavin na exclusive na siya sa GMA 7 matapos iwan ang Star Magic.
Ayon sa dalaga, freelance ang status niya ngayon kaya posibleng mapanood pa rin siya sa ABS-CBN kahit na wala na siya sa Star Magic at malaki rin ang posibilidad na makagawa siya ng mga projects sa Kapuso Network.
“‘Yung nilipatan ko po muna ay management (Triple A) hindi po muna ko lumipat ng network so ngayon po ay freelance po ako,” ani Kisses nang humarap sa entertainment media sa presscon ng bago niyang movie under Regal Films, ang “D’Ninang”.
Kasama ni Kisses sa movie ang Comedy Queen na si Ai Ai delas Alas at isa nga ito sa mga unang nag-welcome sa kanya sa GMA. Nagpasalamat din siya sa komedyana dahil sa pagtatanggol sa kanya laban sa bashers.
“Thank you po sa suporta ni Ms. Ai, sobrang grateful po ako sa lahat ng suporta niya especially po sa ginawa niya po last year, meron po kasing mga issue.
“Salamat po sa mga ginawa n’yo, sobra ko pong naa-appreciate ‘yun at saka tinour n’ya po ako sa GMA 7, sa studio. Masaya po ‘yung tour,” sey ni Kisses.
Ang tinutukoy ni Kisses na issue ay ang tungkol sa nirentahan niyang condo unit na pag-aari ni Rap Fernandez, anak ni Lorna Tolentino. Sabi naman ni Ai Ai, napalapit na rin siya kay Kisses kaya ipinagtanggol niya ito.
Lahad ng “D’Ninang” lead star, “Nu’ng may issue siya last year, siyempre, ipinagtanggol ko siya kasi kilala ko naman s’yang bata, kilala ko ‘yung pamilya n’ya, ‘yung mommy at daddy n’ya so ‘yon.
“Siyempre love ko ‘to, kasama ko siya sa pelikula. Halos lahat naman ng nakakasama ko sa pelikula talagang nagiging ka-close ko. Parang mga anak ko na sila sa totoong buhay and ‘yung suporta ko sa kanya, bukod sa personal n’yang buhay, tinour ko s’ya sa GMA,” sey pa ng komedyana.
Samantala, sakto naman sa nalalapit na showing ng “D’Ninang” ang pagnininang ni Ai Ai sa binyagang bayan na magaganap sa Quiapo Church bukas.
“Nag-text sa akin yung best friend ko na pari na parang merong libreng pabinyag sa Quiapo at kinuha akong ninang ng mga bibinyagan, kinuha nila akong ninang.
“So, sa Sunday, nandoon ako, mag-aanak ako sa binyag sa mga taong hindi ko kakilala. Ako ang kanilang major ninang,” sey ng Kapuso comedienne.
At siyempre, sasamantalahin na rin ni Ai Ai ang pagpo-promote ng “D’Ninang” na showing na sa Jan. 22 nationwide. Bukod kina Ai Ai at Kisses ka-join din sa first offering ng Regal Films ngayong 2020 sina Joey Marquez, McCoy de Leon, Kiray Celis at Lou Veloso sa direksyon ni GB Sampedro.