8 pelikula sa 2019 MMFF kumita ng P955M; Summer Filmfest simula na sa Holy Week

AGA MUHLACH, VICE GANDA AT ANNE CURTIS

INIHAYAG na ni Metro Manila Development Authority Chairman Danilo Lim ang Top 4 entries Metro Manila Film Festival 2019 base sa gross sales receipts (in alphabetical order) na kinita nito sa loob ng dalawang linggo.

Pasok ang “Miracle in Cell No. 7” ni Aga Muhlach ng Viva Films, “Mission Unstapabol: The Don Identity” nina Vic Sotto and Maine Mendoza mula sa MZET at APT Entertainment, “M&M: The Mall The Merrier ” starring Anne Curtis and Vice Ganda mula sa Star Cinema at Viva Films at “3Pol Trobol: Huli Ka Balbon” ni Coco Martin produced by CCM Productions.

Wala namang binanggit si Ginoong Lim kung magkano ang kinita ng bawa’t pelikulang kasama sa Top 4. Nasa producers na raw kung gusto nilang i-anunsiyo ito in public.

Maganda rin naman ang resulta ng 45th MMFF dahil umabot sa P955 million ang total gross sales ng walong pelikulang kasali na nagtagal ng dalawang linggo sa sinehan, mula Dis. 25, 2019 hanggang Enero 7, 2020.

Sabi ni Chairman Lim, “Iyong nakaraang MMFF natin ay matagumpay kahit na ito ay naapektuhan ng sunud-sunod na lindol na nangyari sa Mindanao, at iyong bagyo ng dumaan sa Visayas and some parts of Luzon.
“Pero maganda pa rin iyong nakita natin, iyong suporta ng ating mga kababayan sa pelikulang Pilipino. So, iyong total gross sales natin for the 2019 film festival ay mahigit P955 million.

“It’s only 4.5 percent short of the target natin na P1 billion. Lower than last year’s P1.06 billion,” dagdag niya.

Kasabay nito, inanunsyo rin ang 1st Summer MMFF kung saan ang Quezon City ang magiging host. Extended naman ang pagsusumite ng finished films hanggang Peb. 15 na dapat sana ay sa Enero 31 na.

Base na rin sa kaliwa’t kanang requests mula sa iba’t ibang sectors sa industriya ay pumayag ang MMFF na i-extend ang deadline for submission ng finished film entries para sa Full-Length Category.

Sa Student Short Film Competition naman para sa Summer Festival film deadline of submissions ay sa Peb. 28 with the festival theme Pinoy Pride.

Ang mga bagong sasali ay magsusumite ng finished film on or before Jan. 31 with entry fee na P30,000. Pero kung sa Peb. 1-15 ka na magsusumite ay P50,000 na ang babayarang entry fee.

Tulad din ng MMFF tuwing Disyembre ay walong entries din ang pipiliin para sa 1st Summer MMFF.

Ang Parada ng mga Bituin ay nakatakda sa Abril 5, Palm Sunday habang ang festival ay magsisimula sa Abril 11, Black Saturday, hanggang Abril 21, Martes.

Ang Gabi ng Parangal ay nakatakda sa Abril 15, at ang target gross sales ay P500 million ayon kay MMDA General Manager Jojo Garcia.

At kaya P500 million lang ang target ng organizers ay dahil mas maliit ang scope nito kesa sa taunang festival.

“We’re not expecting billions dito. Kahit kalahati lang, malaking tulong na ito sa movie industry,” sabi pa ng MMDA General Manager.

Nagpapasalamat naman sila kay Sen. Bong Go na siyang nakaisip ng Summer MMFF na experimental muna.

Read more...