Ex-Batangas rep., 2 pa natagpuang patay, natusta sa loob ng sunog na kotse

TATLONG natustang katawan na pinaniniwalaang kay dating Batangas 2nd district Rep. Edgar Mendoza, kanyang driver at bodyguard, ang natagpuan sa loob ng isang sunog na kotse sa isang tulay sa Tiaong, Quezon, kaninang umaga.

Sinabi ni Col. Audie Madrideo, Quezon provincial police director, na pinaniniwalaang bangkay ni Mendoza ang natagpuan matapos naman ang narekober na mga identification cards.

“May mga nakuha po na ID na nagpapatunay na nandoon ‘yung former congressman, pero hinihintay pa namin ang resulta ng imbestigasyon ng SOCO (Scene of the Crime Operatives,” sabi ni Madrideo sa panayam ng Bandera.

Nadiskubre ang mga bangkay sa loob ng Honda Civic sedan (DAN-6374) na nadatnan pang nasusunog sa tulay sa Brgy. San Francisco, ganap na alas-12 ng umaga.

Nakita ng mga bumbero ang mga katawan matapos maapula ang apoy ganap na alas-2:28 ng umaga.

“Sa likod na upuan ng sasakyan po nakita lahat ng bangkay, at ‘yung mga ID naman po ay nakita sa labas ng kotse, sa tulay, itinapon,” sabi ni Tiaong Police chief Maj. Lawrence Panganiban.

“Beyond recognition po ang mga ito, halos buto na lang, so hindi natin matiyak kung pinatay muna sila bago ang sunog,” ayon pa kay Panganiban.

Read more...