3 anak ginamit ni Sharon para iparamdam kay KC ang matinding tampo


SA isang linyang binitiwan lang ni Sharon Cuneta sa selebrasyon ng kanyang kaarawan sa ASAP Natin ‘To ay binulabog na niya ang mundo ng lokal na aliwan.

“Emosyonal ako. Ang akala ko kasi, e, apat ang anak ko,” sabi ng Megastar. Nandu’n sina Frankie, Miel at Miguel. Sino ang wala? Ang kanyang panganay na si KC Concepcion.

Lagus-lagusan ang ugali ni Sharon, malalaman mo kaagad kapag meron siyang tampo, hindi niya kayang pumili ng tamang lugar para sa kanyang nararamdaman.

Mas naging malinaw pa sa manonood ang kinikimkim niyang tampo sa kanyang panganay nang sabihan niya ang magkakapatid na sana’y tularan ng mga ito ang pagiging mabuti at masunuring anak nina Sarah Geronimo, Regine Velasquez at Judy Ann Santos.

Maraming nam-bash sa Megastar, paulit-ulit na lang daw niyang inilalaglag si KC, sana raw ay nag-usap na lang sila nang personal kung meron man silang pinag-aawayan at hindi ganyan na on national television niya pinupuruhan si KC.

Pero hindi rin natin mababaklas kay Sharon ang kanyang pagiging nanay. Natural lang na ang wala ang hinahanap, natural lang ding magkaroon siya ng sama ng loob bilang ina, dahil hindi binigyan ng importansiya ng kanyang panganay ang kaarawan niya.

Nag-sorry na si KC, pero parang hindi naman ‘yun pinansin ng singer-actress, ang pagbati sa kanya ni Frankie ang kanyang pinahalagahan.

Haaay, magkakaiba nga lang ang problema ng mga tao sa mundo, may malalim at mababaw.

Read more...