ISINAILALIM sa blue alert ang Metro Manila Disaster Risk Reduction and Management Council upang matiyak ang kaligtasan ng mga debotong lalahok sa Pista ng Itim na Nazareno.
Ipinag-utos ni Metro Manila Development Authority chairman Danilo Lim, na siya ring concurrent head ng MMDRRMC, ang blue alert status ng disaster and emergency response units epektibo noong Lunes hanggang Enero 10.
Ang MMDRRMC ay binubuo ng national government agencies at local risk reduction and management councils ng 16 siyudad at isang munisipalidad sa Metro Manila.
“Sa ilalim ng blue alert, lahat ng response clusters at mga miyembro ng MMDRRMC ay naka-standby para rumesponde sa anumang emergency na maaaring mangyari sa pagdiriwang ng taunang traslacion,” ani Michael Salalima, concurrent chief of staff ng MMDA Office General Manager at Focal Person para sa Disaster Risk Reduction and Management.