Higit 16,000 pulis, sundalo pasok sa prusisyon ng Nazareno

MAHIGIT 16,000 pulis, sundalo, at miyembro ng iba pang uniformed services ang ikakalat para tiyakin ang seguridad sa prusisyon ng Itim na Nazareno sa Maynila sa Enero 9.

Kabilang sa mga ito ang mahigit 2,100 pulis na magsisilbi bilang “pader” sa harap at magkabilang gilid ng andas o karosa ng poon, habang ito’y ipinaparada mula Quirino Grandstand hanggang Quiapo church, sabi ni Brig. Gen Debold Sinas, officer-in-charge ng National Capital Region Police Office.

“Ito ‘yung tinatawag namin na ‘andas wall,’ para mas mabilis ang takbo ng prusisyon,” sabi ni Sinas sa isang pulong-balitaan kasama ang mga kinatawan ng simbahan at ilang ahensya ng gobyerno, sa Quiapo church, Lunes.

Ayon kay Sinas, napansin kasi sa mga nakaraang prusisyon ng Nazareno na tumatagal ang usad ng andas dahil sa mga debotong sumasalubong sa harap at gilid, para makahalik o makapagpunas ng panyo sa poon.

Sinabi ng police official na bagamat hindi nila ipagbabawal ang pag-akyat ng mga deboto sa andas, sa likod lang nito nila papayagang makalapit ang mga deboto.

Ayon kay Sinas, planong gawing mas mabilis ang prusisyon, na karaniwang inaabot nang madaling-araw, dahil sa mga pinaniniwalaang banta se seguridad.

“Because of the perceived threats, kailangan nating madaliin. Percieved threats, walang actual treat ha,” giit niya.

Una nang inihayag ng Metro Manila Develpment Authority na mas maiksi nang 300 metro ang ruta ng prusisyon ngayong taon, dahil imbes na sa Jones Bridge ay sa Ayala Bridge dadaan ang andas.

Ito’y bunsod naman ng mga pagsasaayos na ginagawa pa sa Jones Bridge, at sa katabing MacArthur Bridge.

Bukod sa mga pulis at sundalo, kasama naman sa mga ipapakalat bilang security force ang mga tauhan ng Bureau of Fire Protection, Coast Guard, at MMDA.

Ayon kay Sinas, kabilang naman sa mga “bawal” sa prusisyon ngayong taon ang paggamit ng tambol.

Hiniling naman ng mga lider ng simbahan sa mga deboto na huwag na rin magdala ng mga “istandarte,” mga malalaking bag o canister, matutulis na bagay, at paputok.

Pinakiusapan din ang mga bata, buntis, matatanda, o may sakit na huwag na ring sumabak sa prusisyon.

Maglalagay naman ng mobile jammers at mga “mobile kulungan” para sa mga manggugulo sa prusisyon, at nagbabala ang pamahalaang panglungsod ng Maynila na ito-tow ang mga sasakyang nakahambalang sa dadaanan ng andas.

Sinuspende na ni Manila Mayor Isko Moreno ang trabaho sa mga tanggapan ng lokal na pamahalaan, at mga klase sa lahat ng antas sa pampubliko’t pribadong paaralan, sa Enero 9.

Read more...