Alex tinawag na balahura pero waging-wagi sa YouTube

PANALUNG-PANALO ang ginawang effort ni Alex Gonzaga nang maghapon para sa pagtutok sa buhay at career ni Raffy Tulfo para sa kanyang vlog.

Dumaan pa sa amin sa “Cristy Ferminute” nu’ng araw na ‘yun si Alex, dahil pati sa sikat na programang “Wanted Sa Radyo” ni Kuya Raffy ay nagbantay rin siya, talagang kinarir ni Alex ang kolaborasyon nila ng nangungunang radio anchor ngayon na may siyam na milyong followers sa YouTube.

Napanood na namin ang iba pang ginawang vlogs ni Alex na nakakaaliw, kung anu-ano lang namang kalokahan ang mga pinaggagagawa niya, pero patok na patok sa publiko.

Sobrang nakakaloka ang ginawa niya nang suyurin niya pati ang mga kagamitan ni Kuya Raffy sa bahay.

Kilalang-kilala sa pagsusuot ng mga branded na tatak ang matapang na news anchor, binusisi ni Alex pati ang mga sapatos nito, joke siya nang joke na ikinamamangha naman ni Kuya Raffy.

Pormal silang kumain, sa bahay pa rin ito ni Kuya Raffy, nang biglang nagkamay si Alex at hinigop ang sabaw sa plato na parang nasa sariling bahay lang nila ang aktres.

Sabi ni Alex, pati raw sana sa “Wanted Sa Radyo” ay gusto niyang mag-co-anchor kay Kuya Raffy, pero ang sabi naman ng nawiwindang na kausap niya ay hindi puwede dahil bawal ang balahura sa kanyang show.

Grabe ang tagumpay ng kanilang kolaborasyon, sa loob pa lang nang labingdalawang oras ay kumopo na ‘yun nang kulang sa tatlong milyon, ngayon ay trending na sila na umaabot na sa ilang milyon ang followers nilang pareho.

Mahigit na limang milyong followers ni Alex, siyam na milyong mahigit naman ang kay Kuya Raffy sa YouTube, kaya napakatagumpay talaga ng kanilang pagsasama sa social media.

Panalo!

Read more...