MAGTUTULUY-TULOY ang swerte sa buhay ng Asia’s Multimedia Star na si Alden Richards sa 2020.
Binagyo ng blessings si Alden nitong nagdaang taon, bukod sa sunud-sunod na endorsements niya at pagdami ng kanyang mga negosyo, siya rin ang tatanghaling Box-Office King 2019 dahil sa record-breaking movie nila ni Kathryn Bernardo na “Hello, Love, Goodbye.”
At ngayong Bagong Taon, hindi titigil ang pagdating ng swerte sa buhay ng Pambansang Bae, ayon yan sa psychic at feng shui consultant na si Madame Suzette Arandell.
“Tuloy-tuloy ang suwerte ni Alden, saka very active ang kanyang love life!” ayon kay Madame Suzette nang mag-guest kamakailan sa Unang Hirit.
Tungkol naman sa lovelife, nakikita raw niya na may posibilidad na ma-in love na si Alden pero baka “non-showbiz” daw ito. Wala namang sinabi ang feng shui expert kung this year din ba makikilala o ipakikilala ng binata sa publiko ang kanyang special someone.
Samantala, isa pa sa maituturing na malaking blessing sa career ni Alden ay ang laging trending at isa sa top rating primetime series ng GMA na The Gift kung saan ginagampanan niya ang karakter ni Sep na love na love na ngayon ng mga manonood sa buong universe.
Talagang inaabangan ito hindi lang ng mga Kapuso viewers sa Pilipinas kundi maging sa iba’t ibang panig ng mundo dahil na rin sa exciting na kuwento nito at mga aral na hatid ng bawat karakter.
Sa pagpapatuloy ng The Gift, sesentro na ang kuwento sa pagkakaroon ng mga pangitain o third eye ni Sep, lalo na ngayong nasa ibang lugar na siya kasama sina Lola Char (Elizabeth Oropesa) at Nanay Straw (Jo Berry) matapos iwan ang Maynila dahil na rin sa “panggugulo” ng pamilya ni Nadia (Jean Garcia).
Pero mukhang mas titindi pa ang mga pagsubok na pagdaraanan nina Sep dahil sa mga taong makikilala nila sa Batangas, kabilang na ang mga makakatrabaho niya sa isang restaurant kung saan siya magiging waiter.
Siguradong mas mahu-hook kayo sa mga susunod na episode ng The Gift na napapanood pa rin sa GMA Telebabad after Beautiful Justice sa direksyon ni LA Madridejos.