Hustisya para sa OFW pinatay ng employer sa Kuwait

NITONG nakaraang araw, inihayag ni Labor Secretary Silvestre Bello III ang deployment ban ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) na nais magtrabaho sa Kuwait matapos ang pinakahuling insidente ng pagkamatay ng isang Pinay dahil sa pagmamaltrato ng kanyang employer.
Ito’y matapos namang masawi ang Pinay na si Jeanelyn Villavende sa kamay ng kanyang mga employer nitong Disyembre.
Sa nakaraang panayam, sinabi ni Bello na bagamat patuloy ang isinasagawang imbestigasyon kaugnay ng pagkamatay ni Villavende, naniniwala siya na hindi lamang ang misis kundi kasama ang lalaking employer sa pagpatay sa kawawang Pinay OFW dahil sa tindi ng pinsalang tinamo nito sa katawan.
Ayon pa kay Bello, sa tindi ng ginawa kay Villavende, masasabing hindi lakas ng isang babae ang dumapo sa katawan ng Pinay OFW.
Dahil sa nangyari, sinabi ni Bello na sakop ng deployment ban ang mga nais magtrabaho sa Kuwait at ang mga paso na ang mga kontrata.
Sinabi pa ni Bello na nasa kustodiya na ng mga otoridad ng Kuwait ang mag-asawang employer.
Tiniyak din ni Bello na iniimbestigahan na rin ang agency ni Villavende dahil sa kawalan ng aksyon matapos namang may nauna nang reklamo ang biktima sa mga employer.
Nagreklamo si Villavende sa kanyang agency na hindi tama ang pagpapasweldo sa kanya, bukod pa sa sinasabing maltreatment.
Idinagdag ni Bello na sa kabila ng reklamo ng Pinay OFW, hindi ito inaksyunan ng kanyang agency.
Matatandaang noong 2018, pinatay din sa Kuwait ang Pinay na si Joanna Demafelis, kung saan itinago pa ng kanyang employer ang katawan nito sa freezer.
Dahil sa pangyayari, nagpatupad ng deployment ban ang gobyerno at inalis lamang ito matapos namang tiyakin ng gobyerno ng Kuwait ang kaligtasan ng mga Pinoy sa naturang bansa.
Batay sa datos, aabot sa 262,000 Pinoy ang nagtatrabaho sa Kuwait, kung saan halos 60 porsiyento rito ay mga domestic workers.
Sa ngayon, hustiya ang isinisigaw ng mga naulila ng Pinay OFW.
Dapat lamang na mapanagot ang mga employer sa pagpatay kay Villavende.
Umaasa rin ang lahat na wala nang magiging biktima ng pagmamaltrato sa ating mga kababayan.

Read more...