Sumpa ng mga sumpa: Aga tinapos ang pagrereyna ni Vice sa MMFF

AGA MUHLACH AT VICE GANDA

Pagkatapos nang mahabang panahong hawak ni Vice Ganda ang korona bilang topgrosser ng MMFF ang kanyang mga pelikula ay inalat siya sa pagkakataong ito.

Pumapangalawa na lang siya sa lahok ni Aga Muhlach, patuloy na pinipilahan ‘yun sa takilya habang pakonti naman nang pakonti ang mga nanonood ng kay Vice Ganda, kaya naungusan siya nang kung ilang milyon ng “Miracle In Cell No. 7.”

Masakit ang katotohanang ito para kay Vice Ganda, nu’ng nakaraang presscon ng kanyang pelikula ay sila ni Coco Martin ang pinagsasabong sa takilya, nagsabi nu’n ang sikat na komedyante na ayos lang daw naman para sa action star ang pumangalawa lang sa kanya.

Pero sumpa ng mga sumpa, hindi naman pala sila ni Coco ang magkatunggali dahil nasa number 3 lang ang pelikula nito, ang nananahimik palang si Aga ang magpapatumba sa kanya.

Si Aga Muhlach pala ang puputol sa tanikala ng tagumpay ng kanyang mga pelikula sa MMFF, ang magaling palang aktor ang magpapatihaya sa kanyang lahok, walang-wala ‘yun ni sa panaginip ni Vice.

Maganda na rin para sa kanya ang kinalabasan ng kanyang pelikula, matututo na siyang mag-isip ng mga bagong komedyang ihahain niya sa susunod, itatapon niya na ang mga jokes na kung tawagin ng mga kababayan natin ay basura.

Sabi nga, problema, solusyon, leksiyon.

Read more...