Robin sa pamba-bash kay Pope Francis: Talaga bang wala nang respeto ang mga tao!?

ROBIN PADILLA AT POPE FRANCIS

NAGPASALAMAT ang mga Katolikong Filipino kay Robin Padilla matapos nitong ipinagtanggol si Pope Francis na bina-bash ngayon sa social media.

May koneksyon ito sa viral video kung saan makikita ang Santo Papa na hinampas ang kamay ng isang babae nang bigla siya nitong hinila papalapit sa kanya.

Nangyari ang insidente sa labas ng St. Peter’s Square sa Vatican nitong nagdaang New Year’s Eve kung saan personal at malapitang binati ni Pope Francis ang ilang Katolikong nagtipun-tipon doon.

Kitang-kita sa video ang ginawang paghatak ng babae sa kamay ng Santo Papa na muntik na nitong ikasubsob. Mapapansin na ikinainis ito ni Pope Francis kaya pilit na binawi ang kamay sa pagkakahawak ng babae.

Pero nang hindi talaga siya binitiwan ng babae, dalawang beses niyang hinampas ang kamay ng deboto at saka tumalikod. Dahil dito, na-bash nang bonggang-bongga ang Santo Papa, ito’y sa kabila ng pagso-sorry niya sa nangyari.

“Love makes us patient. So many times we lose patience, even me, and I apologize for yesterday’s bad example,” mensahe ng Papa.

Nang mabasa naman ni Robin ang mga negatibong komento ng netizens patungkol kay Pope Francis, agad itong nag-post sa Instagram para depensahan ang leader ng mga Katoliko sa buong mundo.

Isang lumang litrato ang ibinahagi ni Binoe sa IG na may caption na, “Pati ba naman ang Holy Pope ng mga katoliko binabash! talaga bang wala na talagang respeto ang mga tao?”

“Napanood ko ang video kitang kita sa video na hinatak ng babae ang holy pope habang nasa alanganin na posisyon at sa idad ng holy pope sigurado ako nasaktan siya natural lang na magreact siya,” ayon pa sa aktor.

Ipinagdiinan pa ni Robin na kilalang isang Muslim, na ipinagtatanggol niya si Pope Francis kahit siya Katoliko, “Im a muslim and im defending him i hope the Catholics will do the same. May Allah have mercy on us.”

Marami naman ang nagpasalamat kay Robin dahil sa ginawa niyang pagtatanggol sa Santo Papa kahit pa Muslim siya. Mas tumaas pa raw ang paghanga at pagrespeto nila sa asawa ni Mariel Rodriguez dahil dito.

Sey ng ilang IG followers ni Binoe, wala talagang respeto ang babae at kabastusan ang ginawa niyang paghila sa 83-anyos na Santo Papa at kitang-kita sa video na nasaktan ito at nagulat sa nangyari.

Noon pa man ay very open si Binoe sa pagsasabing mataas ang paggalang at pagrespeto niya sa Catholic leader kahit isa siyang Muslim. Noong Dec. 26, ipinost pa ni Robin sa IG ang mensahe ni Pope Francis para sa mga Filipino noong kasagsagan ng Bagyong Ursula.

Caption niya sa litrato ng Santo Papa, “The Pope said, ‘I unite myself to the suffering that has hit the beloved people of the Philippines because of the typhoon.'”

Read more...