INAABANGAN na ng madlang pipol ang announcement nina Angel Locsin at Neil Arce tungkol sa kanilang kasal na inaasahang magaganap ngayong 2020.
Kung wala nang magiging aberya o problema, baka sa darating na November ang Angel-Neil wedding kung saan isa nga sa mga punung-abala sa preparasyon ay ang BFF ng aktres na si Dimples Romana.
Ang engagement ng showbiz couple ang isa sa mga pasabog na showbiz ganap ng 2019 at ayon nga kay Angel, this year ay magiging abala na siya sa pag-aasikaso sa kasal.
Sa isang panayam, sinabi ng award-winning Kapamilya actress na tumigil muna sila ni Neil sa preparasyon last year dahil, “Kasi medyo nag advance kami ng konti, but next year (2020) back to wedding preparations na ulit.”
Pero agad na nilinaw ng dalaga ang balitang titigil na siya sa pag-aartista this year. Aniya, patuloy pa rin siyang magtatrabaho, “Siguro kailangan ko na rin magdahan-dahan kasi kailangan ko na rin mag-prepare para sa kasal, ‘yun na lang rin ang ipinakiusap sa akin ng fiancé ko na huwag ko siyang hayaan na mag-prepare mag-isa, so ayon lang naman.”
Sinagot din ng aktres sa isang interview ang tanong kung ano ang masasabi niya sa mga taong hindi masaya sa pagpapakasal niya at patuloy na nangnenega sa kanila ni Neil.
“Siguro, may mga taong nasasaktan kapag may nakikitang masaya ang tao pero ‘wag po kayong mag-alala kasi dati rin akong nasa ganyang posisyon, darating rin ang mga taong para sa inyo magugulat na lang po kayo,” aniya.
* * *
Samantala, bayani ang turing ngayon ng madlang pipol kay Angel dahil na rin sa ginagawa niyang pagtulong sa mga Pilipinong nangangailangan, lalo na ang mga nabiktima ng mga kalamidad, trahedya at sakuna sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Bago matapos ang taon, kinilala siya ng Forbes Asia Magazine bilang isa sa 30 notable charity donors dahil sa mga ginagawa niyang charity works. Pero kung siya ang tatanungin, ayaw niyang malaman ng publiko ang ginagawa niyang pagtulong.
“Nahihiya talaga akong pag-usapan ‘yung mga ganu’ng bagay, katulad nga nang na tweet ko of course gusto ko i-acknowledge kasi Forbes Asia, di ba, nakapa-surreal nang pakiramdam talaga na mapabilang ka katabi ng mga naglalakihang mga tao,” pahayag ni Angel sa panayam ng ABS-CBN.
“Pero nakakalungkot kasi napabilang ka doon. Kasi naalala ko kung bakit ako nandoon. May mga taong nag-suffer, may mga nasalanta, may mga namatay may mga ganyan. Nakakalungkot,” aniya.
Nagpasalamat siya sa pagkilalang natanggap niya kasabay ng paghikayat sa iba pa nating mga kababayan na tumulong din, “Naiisip ko na lang na basta ayoko talaga pag-usapan, naiisip ko na lang na, baka isa itong paraan para maka-inspire pa ng mga kabataan na tumulong din. Wala kayong kailangan hintayin na oras, pag may nangangailangan, wala nang tanung-tanong tulungan niyo.”
Pagpapatuloy pa ng future wife ni Neil, “Sa totoo lang, kung makikita mo ‘yung kaligayahan ba natulungan mo, siguro, triple ‘yung kaligayahan na mararamdaman mo kapag ikaw ‘yung taong nakatulong. Mas better na ikaw na ang tumutulong, kaysa mapunta ka doon sa situation nila. Mas marami kang ipagpapasalamat talaga, iba ‘yung tumulong ka nang walang kapalit.”
Mensahe pa niya, “Lahat naman ng plano ko walang nakakaalam. Ime-maintain ko na lang na ganu’n. Of course maliit na grupo lang ‘yun minsan apat lang kami, for security reasons rin talaga at wala talaga akong plano na ipaalam.
“Mas okay na nagwo-work ng ganu’n, kasi nagiging fans day eh, nakakalimutan na charity ‘yung pinuntahan. Maraming nagte-take advantage, gumugulo ‘yung lugar so hindi rin pabor sa mga taong pinupuntahan,” aniya pa.