AABOT SA 300 metro ang mababawas sa binagong ruta ng traslacion ng Itim na Nazareno kaya asahang mas mapapaaga ang pagbabalik ng imahen sa Simbahan ng Quiapo.
Sa pulong ng National Capital Regional Police Office, Manila Police District at pamunuan ng Basilika ng Quiapo noong Huwebes, napagdesisyunan na paikliin ang ruta ng prusisyon.
Ayon kay Fr. Douglas Badong, parochial vicar ng Basilika, sa Ayala Bridge na dadaan ang andas ng Nazareno imbes na sa mga nakagawian na tulay.
Batay aniya sa rekomendasyon ng Department of Public Works and Highways, hindi maaaring daanan ng napakalaking bilang ng mga deboto ang Jones Bridge, McArthur Bridge, at Quezon Bridge.
Ayon kay Fr. Badong, dadaan ang prusisyon sa mga sumusunod na lugar at kalsada: Quirino Grandstand, Katigbak Road, Padre Burgos st., Finance Road, LRT Taft, Ayala Bridge at Palanca st.
Pagdating sa Globo de Oro ay susundin na ang orihinal na ruta ng purisyon.
Pananatilihin naman ang mga nakagisnang tradisyon sa Traslacion tulad ng dungaw ng Our Lady of Mt. Carmel at ang pagsampa ng mga deboto sa andas, paghahagis at pagpapahid ng panyo.
Una nang binalak ng pulisya na ipagbawal ang paghatak ng lubid at ang pagsampa sa andas, pero naniniwala ang Simbahan na hindi pa handa ang mga deboto sa malaking pagbabagong ito.
Apela ni Badong sa mga deboto ang pang-unawa at pakikiisa sa pagbabago sa ruta ng traslacion upang maisagawa ang aktibidad ng mas may kabanalan.
Para kay NCRPO director Brig. Gen. Debold Sinas, malaki ang maitutulong ng maiksing ruta sa seguridad ng mga dadalo sa traslacion.