NASAWI ang isang lalaki matapos sapakin ng kanyang kapitbahay, sa bayan ng Benito Soliven, Isabela, nitong Miyerkules.
Nakilala ang biktima bilang si Roberto Inovejas, 53, magsasaka at residente ng Brgy. District 2, ayon sa ulat ng Isabela provincial police.
Sinapak si Inovejas ng kapitbahay na si Clemencio Osalla, 53, dakong alas-10:30 ng umaga, at nang gabing iyo’y dinala sa ospital, pero idineklarang patay.
Sinabi sa pulisya ng kapatid ni Inovejas na matapos masapak ay nakauwi pa ito at nakatulog, pero di na tumugon nang subukan niyang gisingin dakong alas-9:45.
Sinabi ng doktor sa kapatid ni Inovejas na may tatlong oras nang patay ang biktima, bago pa ito nadala sa pagamutan.
Pinaniniwalaan na nabagok at nagtamo ng pinsala sa ulo si Inovejas matapos sapakin.
Dinala na si Osalla sa istasyon ng pulisya para sa karagdagang imbestigasyon at posibleng pagsasampa ng kaso.