May naaksidente at may sadyang pinatay

SA pagtatapos ng taong 2019, humabol ang mga balitang kalunos-lunos at labis na nagdulot ng matinding kalungkutan sa kapamilya ng ating mga OFW.
Dalawang OFW sa Singapore ang napabalitang namatay at ilan pang sugatan ang nasa kritikal na kalagayan.
Normal na tanawin na lamang sa Singapore ang makikitang nag-iipon-ipon ang ating mga kababayan sa mga parke doon upang mag-picnic sa araw ng kanilang day-off.
Kaya nga lamang ng araw na iyon, isang sasakyan ang sinasabing mag u-u-turn sana ngunit aksidenteng dumiretso sa kinaroroonan ng mga Pinay malapit sa Lucky Plaza.
Ayon sa ilang kapamilya, papauwi na sana ang kanilang ina na OFW bago matapos ang taon. Tatlong taon ding hindi umuwi ang kanilang ina at ngayon lamang sana nila makakasamang muli. At nangyari ang hindi inaasahan.
Samantala, isang OFW naman sa Kuwait ang napaulat na pinatay ng kanyang babaeng employer.
Ayon sa pamahalaan ng Pilipinas, mahigpit nilang babantayan ang pag-usad ng kaso at papanagutin ang naturang employer upang lapatan ng mabigat na kaparusahan.
Matatandaang may isang Pinay din na pinatay sa Kuwait at pinagputol-putol ang katawan nito na natagpuan na lamang sa loob ng freezer matapos ang isang taon at total ban ng deployment ang ipinatupad noon ng bansa.
Dahil na rin sa pinakahuling insidente ng sinasabing tuwirang pagpatay sa OFW, naglabas ng partial travel ban ang Pilipinas ayon kay Secretary Silvestre Bello III ng Department of Labor and Employment. Ang naaksidente, namatay! Ang isa naman, sadyang pinatay!
Ganyan na lamang talaga kaiksi ang buhay ng tao. Sa kabila ng pag-iingat at pagpapahalaga natin sa buhay, may mga bagay na hindi kontrolado ng tao na siyang nagiging sanhi ng maagang pagkawala nito.
Kaya palaging ibigay natin ang lahat-lahat sa bawat araw na regalong buhay sa atin.
***
Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM(M-F 10:30 am 12:00 pm, audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziqHelpline: 0998.991.BOCW E-mail: bantayocwfoundation@yahoo.

Read more...