IYAN ang maigsing Pagninilay sa Ebanghelyo (1 Jn 1:5, 1 Jn 2:2; Sal 124:2-5, 7-8; Mt 2:13-18) sa Kapistahan ng martir na mga Sanggol na Walang Kamalayan. Toxic people ang turan ng mangangaral na Bo Sanchez dahil isinama na niya ang mga toxic sa Bagong Dekada. Pero sa Ebanghelyo, isa lang ang turan: ang napakataas ang tingin sa sarili na nilamon na ng galit.
***
Kung may toxic noon, dumami nga sila ngayon. Mangyayari uli ang nangyari noong una; gagawin uli ang ginawa na noon — walang bago sa ilalim ng araw (Ecc 1:9). May mga mata sa kanyang ulo ang marunong; samantalang naglalakad naman sa dilim ang hangal (Ecc 2:14). Hindi sila magkaiba at pareho lang, sa Bagong Dekada. Mamamayagpag, magpapatuloy nang may bagong sigla.
***
Dahil uusad na ang mga kaso sa mga obispo, bubuhayin muli ang panlulugmok kay Duterte. Mas pinag-isipan ito at kaiba sa paninindigan ng CBCP noong 1985. Bago iluklok si Cory ni JPE, ang apela ng mga obispo sa mga Katoliko ay ibinase sa religious sentiments at hindi sa katuwiran at kaisipan. Sa halalang nagdaan, katuwiran at kaisipan laban kay Duterte ang ginamit at hindi ang nalalaman at kasanayan ng mga kandidato. Talo ang Otso. EJK? Basyong bala na lang yan at balik-Amerika.
***
Susugal muli ang ilang obispo (hindi ang buong CBCP) kung paano gisingin ang oposisyon. Pero, ang problema, ilan sa kanila ay mga “emeritus” na at kung may kumupkop na diocese ay hindi naman all-out ang suporta sa kanila. Ilang kongregasyon ng madre ang pinasabihan na, pero isa lang ang matapang sa demanda at ang pagkilos ay sa bangketa na lang. Hindi pa kasama rito kung makahahatak sila ng suporta sa mahihirap, sa taumbayan.
***
Maaaring makakuha ng dagdag “bala” ang matatandang obispo sa ipasasarang network, na ang payo nga ni Duterte ay “…ipagbili na ninyo ‘yan. Kasi ang Pilipino ngayon lang makaganti sa inyong kalokohan.” Pero, nag-iisip ang network. Hindi confrontational ang ginawa ng dalawang oligarko na may hawak ng tubig, pero sa ilalim ay dumadaloy ang kanilang gagawin. Napakaraming bala na nga ito laban kay Duterte.
***
Hindi mag-uumpisa sa taon ito ang bakbakan. Magpapatuloy ito hanggang 2022, eleksyon. Kailangang madurog ang lider ng bagong imperyo dahil kapag nanatili ang impluwensiya’t poder, wala nang buhay ang mga nawala sa puwesto. Sa tagal ng dadaang panahon, wala nang makaaalala sa mga Aquino. Para sa kalaban, hindi maiiwasan ang isang toxic. Kung alam lang nila ang pamamahala sa Davao City, ang mga dating kalaban ay kakampi na ng Imperyo — para lamang mabuhay ng payapa at masagana. Ang tanong nga sa Ingles: Where can they find a new start?
***
Magiging madugo ang banggaang Duterte at simbahan. Sa umpisa ng bagong dekada, muling palalakasin ang kontrobersiya sa sinasabing predator priests, na kailanman ay hindi nasalag ng simbahan sa Pinas at ng maging Vatican. Epektibong bala ito ni Duterte sa umano’y panghihimasok ng simbahan sa kanyang pamamalakad. Maging si Pope Francis ay wala na ngang mabagawa sa isyu ng predator priests, kundi buksan ang mga bagong kaso sa kaalaman ng publiko at iagawad ang parusang kanoniko. Ayon sa Talaarawan 1107 ni Santa Faustina, “it is up to us whether we receive God’s grace or not. It is up to us whether we will cooperate with it or waste it.”
***
Nasaan ang mga trapo ng Sorsogon? Lugmok ang mahihirap sa dalawang bagyo. Ang Sorsogon ay parang Eastern Samar na rin. Hindi na makaaalis sa kahirapan ang mahihirap. Nakita ko ang pangangaroling sa mga simbang gabi ng mga semenarista para lamang makabili ng yero sa may 10 simbahan, at mabubungan na rin ang kanilang mga seminaryo. Umuwi silang nakakalap ng sapat na halaga. Pero, walang nangangalap ng tulong at pera para sa mahihirap ng Sorsogon. Mayaman lang ang lalawigan sa politiko’t NPA (meron naman daw cute trapo. Cute din ang tulong).
***
UST (Usaping Senior sa Talakayan sa Poblacion 1st, San Jose del Monte City, Bulacan): Mas marami pa rin ang mga lalaking senior na namumuno sa mga organisasyon, kabilang na ang market stall holders, kesa babaeng senior. Maaaring mas malakas ang mga lalaking senior kesa babae, o kundi’y bawas na sa “ikot” ang mga babae. Mas gusto ng mga senior citizens na kumikilos sila o may pinagkakaabalahan sa barangay, mga kapilya’t parokya. Ang paglawig ng edad ng mga senior ay malaking biyaya ng langit, na siya namang ikinaiinis ng ilang tindahan o establisimento dahil kailangang may discounts sila. Dahil sa dami ng senior, kulang ang sinehan.
***
PAGBABAHAGI sa NilaYan (Nilay-Ugnayan sa Sapang Palay Proper, San Jose del Monte City, Bulacan): Bagaman di pa maituturing na magulo ang paligid, ilan sa mga naunang residente ang nananawagan ng disiplinang Marcos. Maingay na at makalat ang dating paraiso na ang relocatee family mula sa iskwater sa Metro Manila ay binigyan ng 1,000 square meters. Salamat Imelda, anila. Sadyang ganoon nga kaya, na kasama ng kaunlaran ay ingay at kalat. O kawalan ng disiplina.
***
PANALANGIN: Alisin Mo sa puso ang galit at masasamang hangarin. Fr. Mar Ladra, ng Healing Eucharist, na itinataguyod ng Philippine Daily Inquirer.
***
MULA sa bayan (0916-5401958): Nasaan ang sinasabing murang bigas dito? …3489, Araibo, Davao de Oro•
Iwasan, toxic person(s)
READ NEXT
Paano sasaya kung wala namang anak?
MOST READ
LATEST STORIES
Read more...