BAGO ang lahat, hayaan ninyo muna akong bumati ng isang maka-Diyos at masaganang 2020 sa ating lahat.
Asahan ang mga pagsubok na darating ngunit huwag mawalan ng pag-asa sapagkat ang lahat ay lilipas din. Nais kong humingi ng paumanhin sa mga taong hindi man sinasadya ay nasaktan ang damdamin. Rest assured, trabaho lang po at walang personalan.
Maraming salamat sa mga tunay na kaibigan (hindi ko kayo mabilang) at maraming salamat na rin sa mga nagkukunwang mga kaibigan. Sila ang mga tipong madaling kausap, pero mahirap mahagilap. Ang tawag ng mga isportsrayter sa kanila ay mga pambato ng OPM (O Promise Me, he, he, he).
Maraming salamat sa aking mga ka-Bandera at Inquirer family. Ngunit sa bandang huli ay kanino ka nga ba kukuha ng lakas kundi sa iyong pamilya at sa Poong Maykapal.
* * *
DAHIL nalunod sa saya at tagumpay ng Pilipinas sa nakaraang 30th Southeast Asian Games, hindi napuna ng mga balita ang kabayanihang ginawa ni motocross standout Bornok Mangosong sa nakaraang Fédération Internationale de Motocyclisme (FIM) Asia Supercross Championship na ginawa sa Bicutan, Parañaque City bago pa man umarangkada ang SEA Games.
Alam ninyo bang nakuha ni Mangosong ang karangalan bilang ikaapat na pinakamahusay na rider sa premyadong MX2 class na sinalihan ng mga premyadong rider sa iba’t ibang panig ng Asya.
Dahil dito, namumuro si Mangosong, ang sikat na Dabawenyo na gumawa ng pangalan sa MMF Supercross, na maging Rider of the Year ng National Motorcycle Sports Safety Association (NAMSSA).
Pasok sana si Mangosong sa podium ngunit dahil sa init ng karera ay hindi naiwasang magbangga ang Pinoy rider at ang kampeong si Takase Tanaka ng Japan sa second round.
Nahirapan ang dalawang riders na makabawi at bagamat nasaktan ang balikat at tadyang ay nakuha pa ni Bornok na maisalba ang ikaapat na puwesto sa third at fourth round.
“We tried our best to get a win for the Philippine team, but unfortunately we came up short. Nevertheless, we are a step closer to our championship dream. Now, we are currently number 4 in Asia and we will try to build up and make the most out of our experience and bounce back for 2020,” wika ni Mangosong, 28.
Ngunit hindi lang si Bornok ang nagbigay-karangalan sa bansa. Sa bakbakan ng mga tanders (este veterans), numero uno si Pastor Samuel Mark Tamayo na dating Shell-Yamaha pro rider ngunit ngayo’y mas kilala bilang taga-organisa ng matagumpay na MMF Motocross Series na palagiang ginagawa sa MX Messiah Fairgrounds sa Taytay, Rizal.
Ipinakita ni Pastor Sam na puwede pa siyang makipagsabayan at tunay na may karapatang magturo ng tamang ligtas na pagmomotor.
“My main problem is how to last 15 minutes plus 2 laps each race (4 races in two consecutive days) with 3 weeks preparation. With that said, I told the Lord to please give just enough grace for me to last every race. It was a miracle! I endured all four motos,” wika ni Tamayo.
Nagpakitang-gilas din ang mga batang motocross riders na sina Wenson Reyes at Lleyton Fellizar.
Kinuha ni Wenson ng Bulacan ang ikalawang puwesto sa MX Jr. 85 class, na napanalunan ni Kittapat Keankum ng Thailand.
Pumangatlo naman si Lleyton na tulad ni Wenson ay nahasa ang galing sa MMF Supercross Series.
Balik tayo kay Bornok na ilang beses na rin namang nakaranas ng aksidente. Nasawi sa aksidente sa motor ang isang kapatid ni Bornok ngunit hindi ito naging hadlang upang lalo pang magpursigi si Bornok na maging numero uno sa napiling isport.
Dahil nahirapan ng makahabol matapos ang aksidente ay tinakbo ni Indonesian bet Diva Ismayana ang pangkalahatang kampeonato sa MX2. Pumangalawa si Sean Lipanovich ng Guam at Thai Penjan Thanarat.
Nagtapos sa ikalimang puwesto si Kenneth San Andres.
Lumahok din sa karera ang mga pambato ng Pilipinas na sina Ralph Ramento, Buboy Antonio at Mark Reggie Flores.
Si Ramento na produkto rin ng MMF Series ay mahigpit na kalaban ni Mangosong sa NAMSSA overall series na kung saan ay may dalawa pang natitirang mga karera.
Nagpahayag ng katuwaan si Macky Carapiet, pangulo ng FIM Asia, sa naging resulta ng karera at nagsabing lalo pang lumalawak ang motocross sa Pilipinas.
Handa ang Pilipinas, ani Carapiet, na maging host ng malalaking paligsahang internasyonal sa mga darating na panahon.