PARANG hindi umalis sa ating bayan ang mga Pinoy na naninirahan sa iba-ibang bansa. Laganap ang chikahan, ang dami-dami nilang alam na kuwento tungkol sa mga artista, paborito talaga nating pampalipas-oras ang tsismisan.
Sa isang malamig na bansa ay kalat na kalat na ang kuwento tungkol sa isang dating aktres na naugnay nu’n ang pangalan sa isang sikat na sikat at milyonaryong male personality na hindi na kasingganda nang dati ang sitwasyon ng kabuhayan showcase.
Kuwento ng aming source na kababalik lang sa ating bayan, “Dati kasi, e, bonggang-bongga ang buhay niya. May mga yaya ang mga anak nila ng napangasawa niyang businessman.
“May personal driver pa siya, ha? Take note, bihirang-bihira ang ganu’n sa bansang kinaroroonan nila, sila lang yata ang may driver at mga yaya sa community na tinitirhan nila.
“Palaging nakikita ng mga kababayan natin ang girl na shopping nang shopping, talagang puro branded ang bina-buy niya, buhay-mayaman talaga siya!” unang chika ng aming impormante.
Pero usap-usapan ngayon sa mga Pinoy communities na ibang-iba na ang estado ng buhay ng dating aktres.
May nakalabang malaking establisimyento ang kanilang negosyo sa ibang bansa, tinalo sila, kaya nagsarado ang maraming sangay ng kanilang business.
Patuloy ng aming source, “Meron pa rin naman silang mga kliyenteng Pinoy, pero talagang kinabog sila nu’ng nagbukas na establishment.
“Isa-isang nagsarado ang negosyo nila iilan na lang ang natitira ngayon, kaya natural, apektado ang lifestyle nila, lalo na nu’ng female personality!
“Kung dati, e, weekly siyang nakikitang nagsi-shopping ng mga kababayan natin, ngayon, e, masuwerte na siyang makapag-shopping nang minsan sa isang buwan.
“Saka hindi na mga branded stuff ang pinamimili niya, mga ordinaryong produkto na lang, kasi nga, bumagsak na ang business nila!
“Maraming kuwento kung bakit sila inalat, nagkaroon daw ng bisyo ang husband ng girl, pero hindi naman malinaw kung ano ‘yun!
“Pero ang malinaw na dahilan, e, bago kasi ang kalaban nilang business, maraming curious na mamili du’n, kaya sila napag-iwanan.
“Matagal ding nagbuhay-mayaman ang female personality, pero wala namang kuwentong yumabang na siya, marunong daw makisama at palangiti ang babaeng personalidad,” pagtatapos ng aming impormante.
Naku naman, Bradly Guevarra at Tita Nene Ulanday, buwena-mano natin ang BI na ito ngayong 2020, kaya kailangang matumbok n’yo kung sino ang dating aktres na ito.