CHINESE TAIPEI WAGI SA JORDAN

Mga Laro Ngayon
(SM Mall of Asia Arena)
11 a.m. China vs Malaysia
1:15 p.m. Taiwan vs Saudi Arabia
3:30 p.m. Japan vs Hong Kong
5:45 p.m. Korea vs Iran
8:30 p.m. Philippines vs Jordan
10:30 p.m. Thailand vs India

PINABAGSAK ng Chinese Taipei ang Jordan, 91-87, para ipakita ang kahandaan na bigyan ng magandang kampanya ang paglahok sa 27th FIBA Asia Men’s Championship na nagbukas kahapon sa SM Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Si Lin Chih-Chieh ay gumawa ng 27 puntos, kasama ang apat na tres, bukod pa sa 6 rebounds, 5 assists at 1 steal at pinamunuan ang pagbangon ng Taiwanese team mula sa 57-67 iskor sa ikatlong yugto at kunin ang 1-0 baraha sa Group A sa 15-bansang torneo.

Ang kanyang ikatlong tres ang nagpaningas sa 8-0 run sa pagtatapos ng ikatlong yugto para dumikit sa 67-65, bago ang panghuling three-pointer ang nagpasiklab sa 10-0 run na nagtulak sa Chinese Taipei na makalayo sa 81-72.

Nakadikit pa ang Jordanian team hanggang tatlong puntos, 90-87, pero sapat ang split ni Yang Chin-min sa huling 7.1 segundo para tiyakin ang panalo.

Ang naturalized player na si Quincy Davis III ay mayroong 18 puntos at 11 boards para tulungan ang koponan na manalo sa rebounding, 41-32.

“We got more rebounds in this game. In the Jones Cup, we were down almost 20 rebounds. I’m very happy for winning this game and I wish we continue to play better,” wika ng winning Chinese Taipei coach Hsu Chin-che.

Unang pagkatalo ito ng Jordan, ang runner-up sa China noong 2011 sa Wuhan, China, pero halos kalahati ng koponan ay mga bago.

Ang naturalized player na si Jimmy Baxter ay tumapos taglay ang 30 puntos, kasama ang limang tres, ngunit nalimitahan siya sa tatlong puntos sa huling yugto na ininda ng koponan.

Sunod na kalaro ng Jordan ngayong alas-8:30 ng gabi ay ang Gilas national team at aminado ang Greek coach na si Evangelos Alexandris na mas mahirap na laban ito.

“It will be a very, very strong team for us. The Philippines is really a good team and also this gym will have a full crowd in attendance. It will be difficult for us and we must control our emotions,” wika ni Alexandris sa pamamagitan ng interpreter.

Read more...