ISA sa kadalang wish ng tao tuwing Pasko at Bagong Taon ay good health para sa kanya at kanyang pamilya. Sino ba naman kasi ang gustong magkasakit?
Bago matapos ang taon, magbalik-tanaw tayo sa mga sakit na dumapo sa maraming Pinoy.
Polio
Matapos ang 19 na taon, bumalik sa bansa ang polio, isang sakit na maaaring makamatay at makaparalisa ng katawan.
Kinumpirma ito ng Department of Health noong Setyembre 19 matapos maitala ang dalawang kaso ng Poliomyelitis (VDPV2).
Ang polio ay isang infectious disease na mabilis na kumalat. Nagdudulot ito paralysis at maaaring makamatay. Ito ay maaaring kumalat sa pamamagitan ng dumi ng tao kaya pinapayuhan ang lahat na gumamit ng palikuran.
Muling nangampanya ang pamahalaan para sa serye ng oral polio vaccine para sa mga batang limang taon pababa.
Pinangangambahan ang mabilis na pagkalat nito sa bansa dahil maraming bata ang hindi nabigyan ng bakuna.
HIV
Malungkot isipin na ang Pilipinas ang may pinakamataas na porsyento ng pagtaas ng bilang ng mga nahawa ng HIV sa Asya at Pasipiko, ayon sa 2018 UNAIDS Global Report.
Mula sa isang kaso kada araw na naitala noong 2008, umakyat ito sa 35 kaso kada araw noong Hulyo 2019.
Ang Metro Manila naman ang nakapagtala ng may pinakamaraming kaso ng HIV (26,832), CALABARZON (10,431), Central Luzon (6,543), Central Visayas (6,153,) at Davao Region (3,917).
EVALI
Naitala sa bansa ang unang kaso ng E-cigarette o Vape-Associated Lung Injury (EVALI) sa Visayas.
Ang biktima ay 16-anyos na babae na anim na buwan ng nagbi-vape at tradisyonal na sigarilyo o “dual use”.
Siya ay isinugod sa ospital noong Oktubre 21 dahil sa hirap sa paghinga.
Matapos ang isinagawang ebalwayson, nakumpirma na pasok ito sa criteria ng EVALI batay sa guidelines na ipinalabas ng US Centers for Disease Control.
Diphtheria
Isa rin sa binabantayang mabuti ng DOH ay ang diphtheria matapos tumaas ang bilang ng mga batang nagkaroon nito ngayong 2019.
Mula Enero hanggang Setyembre 2019, 167 kaso ng diphtheria ang naitala at 40 dito ay namatay. Mas mataas ito sa 122 kaso at 30 pagkamatay na naitala sa unang siyam na buwan ng 2018.
Gaya ng polio vaccine, hinihikayat ng DOH ang mga magulang na tiyakin na mapabakunahan ang mga anak laban sa mga preventable diseases gaya ng diptheria.
Meningococcemia
Dalawang kaso ng meningococcemia ang naitala noong Oktubre. Nagpositibo sa Neisseria meningitides ang pasyente mula sa Laguna at Batangas ayon sa pagsusuri ng Research Institute for Tropical Medicine.
Mula Enero hanggang Setyembre 21, 2019, naitala ng DoH Epidemiology Bureau ang 169 kaso at 88 pagkamatay sa sakit na ito o 52 porsyentong fatality rate, mas mataan ng konti sa naitala noong 2018 (a62 kaso) at 79 percent fatality rate.
Ang mga sintomas nito ay pag-ubo, pananakit ng ulo at lalamunan na susundan ng lagnat, panginginig, pagkahilo, pagsusuka at rashes.
TB
Pinaigting ng DoH ang kampanya nito laban sa tuberculosis.
Ayon sa 2017 global report, tinatayang 581,000 Filipinos ang may active TB disease at 27,000 Filipinos ang namatay sa sakit na ito.
Target ng DoH na mahanap ang 2.5 milyong Filipino na mayroong TB hanggang sa 2022. Tumutulong ang Estados Unidos upang makamit ang target at nangako ng mahigit $3 bilyon tulong sa National Tuberculosis Control Program.
Dengue
Noong Agosto ay idineklara ang DoH ang national dengue epidemic matapos maitala ang 146,062 kaso mula Enero hanggang Hulyo 20 o 98 porsyentong pagtaas kumpara sa kaparehong panahon noong 2018. Sa naturang bilang 622 ang nasawi.
Ang Western Visayas ang nakapagtala ng may pinakamaraming kaso (23,330), sinundan ng Region IV-A (CALABARZON) na may 16,515, Region IX (Zamboanga Peninsula) na may 12,317, Region X (Northern Mindanao) na may 11,455, at Region XII (SOCCSKSARGEN) na may 11,083 kaso.
Mental Health
Ang Hopeline ay isa sa mga programa ng DoH upang magkaroon ng makakausap at makakatulong ang mga tao na nag-iisip na magpatiwakal upang matakasan ang kanilang mga problema.
Ikinalungkot ng DoH na hindi na nito maipagpapatuloy ang pagpopondo sa Hopeline dahil hanggang Oktubre lang ang pondong inilaan para rito.
Ito ay dahil sa pagsasabatas ng Mental Health Act of 2019, kung saan ang DoH ay kailangang magtayo ng sarili nitong crisis hotline sa pamamagitan ng National Center for Mental Health.
Ang mga kailangan ng tulong ay maaaring tumawag sa NCMH crisis hotline 0917899-USAP (8727) o 989-USAP.
Ang Hopeline ay pinatatakbo ng non-profit organization na Natasha Goulburn Foundation at napopondohan sa pamamagitan ng DoH. Sinabi naman ng NGF na magpapatuloy ang operasyon nito kahit wala ng pondo na manggagaling mula sa DoH.
Ang numero naman ng Hopeline ay 804-4673, 09175584673 at 2919 (toll-free for Globe and TM subscribers).
Japanese Encephalitis
Pinalaganap ng DoH ang Japanese Encephalitis vaccine sa iba’t ibang rehiyon upang mapababa ang bilang ng kaso nito, na isang mosquito-borne viral disease at pangunahing sanhi ng viral encephalitis o pamamaga ng utak. Tatlo sa bawat 10 kaso ng JE ang nagreresulta sa kamatayan.
Malaria
Target ng DoH na maging Malaria free ang bansa sa 2030.
Ayon sa DoH, 50 sa 81 probinsya sa bansa ang idineklara ng malaria-free at 27 ang nasa elimination phase at apat na lamang ang may naitalang local transmission.
Noong nakaraang taon, 4,870 kaso ng malaria ang naitala.
Sa 2022, target ng DoH na maibaba ng 90 porsyento ang malaria incidence.
Rabies
Ang rabies ay ikinokonsidera ng DoH na public health problem dahil ito ay isa sa acutely fatal infection sa bansa.
Umaabot sa 200 Filipino ang namamatay dito taon-taon.
Ang 99 porsyento ng rabies transmission sa bansa ay dahil sa aso kaya nanawagan ang DoH na maging responsableng pet owners at pabakunahan ang mga aso.
Napaulat ang pagkamatay ng Norwegian na si Birgitte Kallestad, 24, matapos na makagat ng tuta na kanilang napulot sa kalsada at dinala sa kanilang tinutuluyang resort habang nagbabakasyon sa Pilipinas noong Mayo.
Namatay ang babae sa Norway at ito ang unang kaso ng rabies sa Norway sa loob ng mahigit 200 taon.
Tigdas
Noong Pebrero idineklara ng DoH ang measles outbreak sa Metro Manila.
Batay sa datos ng DOH Epidemiology Bureau, mula Enero 1-19, mayroong 196 kaso ng tigdas sa NCR malayo sa 20 naitala sa kaparehong panahon noong 2018.
Noong 2018, naitala sa NCR ang 3,646 kaso at 351 noong 2017.