NAIINTINDIHAN namin ang mga may-ari ng sinehan sa desisyon nilang tanggalin ang mga pelikulang kasama sa 2019 Metro Manila Film Festival na hindi kumita sa unang araw nito at ipinalit ang mga entry na pinipilahan sa takilya.
Mga negosyante sila kaya kailangan nilang gawin ito. Pero ang sa amin lang, paano pa makakabawi ang pelikula sa ikalawang araw ng filmfest kung wala na ito sa mga sinehan?
Siyempre sa opening day (Pasko pa), ang uunahin ng mga magulang ay yung mga nakakatawa dahil bitbit nila ang kanilang mga anak at saka isusunod ang ibang entries.
Akala namin ay may 3-day rule na ngayon sa mga sinehan na walang tanggalan ng pelikula para maski paano ay makabawi ang producer ng “Culion” at “Mindanao”?
‘Yung “Write About Love” at “Sunod” ay umaandar naman maski paano sa box-office kaya sigurado kaming mananatili pa rin sila sa mga sinehan, lalo pa’t humakot sila ng awards sa katatapos na 45th Gabi ng Parangal na ginanap sa New Frontier Theater, Araneta City nitong Biyernes.
Malamang ang “Mindanao” ni Judy Ann Santos ang mae-extend sa mga sinehan dahil halos lahat ng major awards ay nakuha nito kabilang na ang Best Picture.
Paano naman ang “Culion”? Ni isang major award ay wala itong nakuha, maliban sa Special Jury Prize para sa Ensemble Cast. At maski nomination para sa pagka-best actress ay hindi man lang nabigyan si Iza Calzado ng chance.
Hindi ba pumasa sa panlasa ng mga hurado ang akting ng aktres? Marami kasi ang nagsabi bago pa man nagsimula ang filmfest na si Iza ang magiging mahigpit na kalaban ni Judy Ann sa best actress category.
Hindi na namin kukuwestiyunin kung bakit hindi nanalo si Aga Muhlach sa pagka-Best Actor kahit siya ang choice ng halos lahat ng taong tinanong namin na nakapanood ma ng “Miracle in Cell No. 7.”
Panalo na naman sila sa takilya at iyon ang importante dahil ibig sabihin ay muling makakapag-produce ng maraming pelikula ang Viva Films para mabigyan pa ng trabaho ang mga taga-produksyon na walang regular na work.
Hindi pa namin napapanood ang mga pelikulang humakot ng awards sa MMFF 2019 kaya wala kaming maikokomento.
At kung napanood na namin ang mga ito ay baka dedma na rin kami kung may hindi deserving sa mga nanalo. Gusto naming isipin na kaya siguro sila nanalo ay para mabigyan ng tsansang magtagal pa sa mga sinehan.
Mga Hall of Famer daw ang mga hurado sa filmfest this year at pawang mga beteranong artista. Siguro iba lang talaga ang paniniwala nila sa pulso ng publiko.
Sa mga hindi nagwagi, better luck next year kung type ninyo pang sumali at taun-taon naman ay nababago ang set ng Jurors, di ba bossing Ervin?
At sa mga nagwagi, binabati namin kayo ng taos puso lalo na ‘yung mga hindi kapani-paniwala at sana’y makumbinsi ninyo ang publiko na deserving kayo sa award n’yo!