PREDICTABLE ang pagbibigay ng awards para sa 2019 Metro Manila Film Festival na ginanap kamakalawa ng gabi sa New Frontier Theater.
Nagtipid ang organizers sa kanilang mga nominees dahil nasentro lang sa tatlong entries na hindi masyadong pumalo sa takilya nu’ng first three days ng festival – ang “Mindanao,” “Culion” at “Write About Love.”
Waging Best Actress si Judy Ann Santos para sa pelikulang “Mindanao” habang ang direktor nitong si Brillante Mendoza ang itinanghal na Best Director. Ang leading man ni Juday sa “Mindanao” na si Allen Dizon ang nanalong Best Actor.
Ang Best Picture award ay nakuha rin ng “Mindanao” habang 2nd Best Picture ang “Write About Love” ng TBA Studios at 3rd Best Picture ang horror movie na “Sunod” ni Carmina Villaroel.
Ibinigay naman ang Special Jury Prize kay Crisanto Aquino para sa entry na “Write About Love” na nanalong Best Screenplay at Best Editing.
Best Supporting Actress si Yeng Constantino at Best Supporting Actor si Joem Bascon para sa “Write About Love”.
Eh, ‘yung mga kumikitang pelikula, parang hindi na pinansin ng mga juror, huh! Tutal nga naman, kumikita na ang mga ito kaya siguro mas nabigyan ng pabor ang mga nahuhuli sa takilya.
Ang hinuhulaang mananalo ng best actor award na si Aga Muhlach para sa movie niyang “Miracle In Cell No. 7” ay nasilat nga ni Allen.
Ang naging konsolasyon ni Aga nang dumalo sa awards night ay ang Male Star of the Night sa Gabi Ng Parangal. But at least, humahataw pa rin hanggang ngayon sa takilya ang movie niya.
Wish nga ng mga nagwagi ng awards, huwag na silang tanggalan ng sinehan at sana ay madagdagan pa sa mga susunod na araw.
Keber naman ng mga producer ng mga entry na malakas sa takilya at pinipilahan sa mga sinehan. Siguradong ang dialogue nila ngayon ay “Sa inyo na ang tropeyo basta sa amin ang milyones.”
Narito ang ilan pa sa mga nagwagi ng awards sa MMFF 2019:
Best Visual Effects: “Mindanao”
Best Production Design: “Sunod”
Best Original Song: “Ikaw ang Akin” – “Write About Love”
Best Musical Score: “Write About Love”
Best Sound: “Mindanao”
Best Child Performer: Yuna Tangod (Mindanao)
Gender Sensitive Award: “Mindanao”
Best Float: “Mindanao”