May halong lungkot ang Pasko at Bagong Taon ni Alden

ALDEN RICHARDS

Maganda ang nakadisenyong kapalaran para sa Pambansang Bae para sa taong 2020. Kapag talagang nagsisikap, nagsisipag at nagpapakapropesyonal ang artista ay lumalapit sa kanya ang suwerte.

Tinututukan ng ating mga kababayan ang kanyang “The Gift,” lalo na ngayong palalim na nang palalim ang kuwento ng serye, ilang dangkal na lang ang layo nila sa isa’t isa ng hinahanap niyang inang si Jean Garcia.

Sa mga panahong ito ay maaaring nakabalik na ang buong pamilya ni Alden Richards mula sa pagdiriwang ng Pasko sa Korea, may trabaho na siya agad sa paghihiwalay ng taon, siya ang pambatong artista ng GMA-7 para sa kanilang countdown bilang pagsalubong sa Baong Taon.

Kaarawan ni Alden sa January 2, kaya siguradong sa bagong programang “All Out Sunday” magkakaroon ng birthday celebration ang guwapong aktor sa January 5, mas magiging abala siya sa papasok na taon dahil sa dalawang programang pagsasabayin niyang gawin.

Propesyonal si Alden Richards, kahit konting reklamo sa linya ng trabaho ay walang anumang maririnig sa kanya, kaya naman mahal na mahal siya ng kanyang mga katrabaho.

May lungkot lang ang bawat Pasko at Bagong Taon sa kanyang buhay, wala na kasi ang kanyang ina, ang pinakamamahal niyang mommy na hindi na nasaksihan ang lahat-lahat ng mga tagumpay na hinahawakan niya ngayon.

Read more...