P100K iligal na paputok nasamsam

AABOT na sa P100,000 halaga na ng iligal na paputok ang nasamsam sa iba-ibang bahagi ng Bulacan, tatlong araw bago ang pagsalubong sa taong 2020.

Ito ang inulat kahapon ng pulisya kasabay ng pag-inspeksyon ni National Police officer-in-charge Lt. Gen. Archie Gamboa sa firecrackers stalls sa Bocaue.

Kabilang sa mga nasamsam ang mga paputok na pla-pla, kabasi, special tuna, pastillas, bawang, pizza pie, baby dynamite, boom-boom, kwitis, big triangle, piccolo, atomic bomb, giant whistle bomb, Super Lolo, “Bin Laden,” “Goodbye Philippines,” “Goodbye Delima,” at “8.2 Magnitude.”

Kasabay nito, nilinaw ni Col. Emma Libunao, direktor ng Bulacan provincial police, na sa probinsiya ay 24 lang ang authorized manufacturer ng paputok at 124 ang awtorisadong dealer at reseller.

Sa mga naturang dealer at reseller, 65 ay pawang mga nakabase sa Bocaue.

Samantala, inatasan ni Gamboa lahat ng police unit sa bansa na patuloy na magsagawa ng inspeksyon sa mga pagawaan at bentahan ng paputok para matiyak na sumusunod ang mga ito sa safety guidelines.

Ayon kay Gamboa, ang mga taong mahuhuli na gumagawa at nagbebenta ng iligal na uri ng paputok ay maaaring makulong nang anim na buwan hanggang isang taon, pagmultahin ng P20,000 hanggang P30,000, at matanggalan pa ng lisensya at business permit.

Pinaalalahanan niya rin ang mga manufacturer at nagbebenta na huwag magbenta ng paputok sa mga batang edad 17 pababa.

Read more...