Panalung-panalo ang episode ng The Gift kung saan nalaman na ni Jean Garcia (Nadia) na si Alden Richards (Sep) pala ang matagal na nitong hinahanap na anak.
Nakunsensiya ang ina dahil ilang gabi pa lang ang nakararaan ay sinumbatan pa nito bilang ampon si Sep kaya hindi malalaman ng kanilang kalaban kung paano ang maging isang ina.
Palalim na nang palalim ang takbo ng kuwento ng The Gift, mabilis ang mga eksena, pero palaging may bagong sorpresang ihinahain sa kanilang mga tagasubaybay.
Du’n sa eksenang nagkaroon ng engkuwentro sina Sep at Nadia ay mas lumutang ang pagiging aktor ni Alden Richards. Habang naglilitanya siya tungkol sa pagiging kunsintidor ng mag-asawa ay paunti-unti namang nangingilid ang kanyang luha.
Tama ang sinabi ng kaibigan naming si Liza, “Iyak ako nang iyak sa eksenang ‘yun! Ang galing-galing na talaga umarte ni Alden! Walang ingay, subdued acting ang ginawa niya, ang galing-galing!
Nasa Korea pa ngayon ang buong pamilya ni Alden, sama-sama nilang ipinagdiwang du’n ang Kapaskuhan, pero babalik din sila bago mag-New Year para sa taunan niyang pagsama sa countdown ng GMA 7.
Kahit paano’y nakapagpahinga ang Pambansang Bae, gumigising siyang walang iniintinding trabaho, kaya nakakatulog siya hanggang anong oras niya gusto.
Para sa mga artista ay pangarap nang matatawag ang pagkakaroon nang sapat na oras ng tulog. ‘Yun ang presyong kailangan nilang bayaran sa pagiging matagumpay.