Pagsasama sa tv show nina Kris at Catriona kinontra ng bashers


NAGSIMULA lang ang lahat sa suhestiyon. May nagbigay ng ideya kay dating Miss Universe Catriona Gray na dahil hindi na ito magiging abala ngayon at dahil gusto naman nitong kumanta at mag-artista ay puwede silang magsama sa isang show ni Kris Aquino.

Ganu’n lang naman kasimple ang ideya, pero nag-angatan na agad sa kanilang mga upuan ang mga bashers, inupakan na agad si Kris.

Naku, huwag na huwag daw papayag si Catriona na makasama si Kris, dahil siguradong sasarilinin lang ng aktres-TV host ang kabuuan ng programa. Naging ugali na raw kasi ni Kris ang kopohin ang oras para siya ang mas lumutang sa show.

Oo nga raw at kayang makipagsabayan ni Catriona sa pagho-host sa Ingles ay hindi pa rin daw ‘yun sapat para makipagtapatan ito sa aktres-TV host.

Sabi pa ng isang hindi kumporme sa pagsasama ng dalawa sa isang talk show or magazine show, “Naku, hindi dapat pumayag si Catriona na makasama si Kris sa isang palabas!

“Nandiyan na agad ang insecurity ni Kris dahil napakaganda ni Catriona, kaya ano ang gagawin niya para makabalanse man lang siya sa beauty ni Cat?

“Aagawan niya ng eksena ang dating Miss Universe, pabibo na naman ang gagawin niya, siguradong kakainin niya nang buung-buo ang show!” sabi nito.

Hindi pa man ay may mga kumokontra na sa pagsasama nina Catriona at Kris para sa isang show. Ang tanong, makababalik na ba si Kris sa mainstream television, saang network naman kaya nila gagawin ang pinaplano pa lang na programa?

Read more...