ESPESYAL ang darating na Pasko at Bagong Taon ngayon para kay Manila Mayor Isko Moreno.
Ito kasi ang first Christmas celebration niya bilang alkalde ng Maynila. At sa ilang buwan pa lamang niyang pamumuno ay napakarami na niyang achievements na pwedeng ipagmalaki.
At natutuwa siya dahil sa kabila ng kabisihan niya bilang mayor ay nabibigyan pa siya ng pagkakataon na balikan kahit paano ang kanyang pinagmulan – ang mundo ng showbiz.
Kasama si Yorme sa 2019 Metro Manila Film Festival entry na “3pol Trobol, Huli Ka Balbon” na pinagbibidahan nina Coco Martin at Jennylyn Mercado.
“Una siyempre ipinagpapasalamat ko sa Diyos kasi kung nasaan man ako ngayon, kung ano man ang katayuan ko, malaking bahagi noon siyempre katuwang ang Diyos,” ani Isko sa isang panayam.
Ayon kay Yorme, naniniwala siya na galing sa Diyos ang lahat ng blessings na dumarating sa buhay niya lalo na ang pagiging mayor ng Maynila.
“You know what happened to me, I consider it as divine intervention, I came from nothing, from the gutter of society,” aniya. Dito rin niya nabanggit na bukod sa mga suliranin ng Maynila ay may mga tinutulungan din siyang mga batang may iba’t ibang karamdaman.
“I’m really grateful and I cannot return those to God directly so in my own little way, if I can give it back, I will,” aniya pa.
Dagdag pa ni Yorme, wala pa raw sa plano niya ang maglaan ng mas maraming oras para sa showbiz, okay na muna sa kanya ang mga guesting sa TV at pelikula. Marami pa raw siyang dapat asikasuhin bilang alkalde dahil nagsisimula pa lang sila.