GRABE ang hiyawan ng mga taong naghintay at nanood sa nagaganap ngayong 45th Metro Manila Film Festival Parade of Stars.
Nagsimula ang parada sa Lakeshore C6, Taguig City bandang alas-12 ng tanghali at inaasahang matatapos ng dakong 7 p.m. sa Mckinley West Open Grounds, Taguig City. Magkakaroon din ng presentation ang ilang celebrities na kasali sa taunang filmfest.
Base sa video na napanood namin ay ang daming naghihiyawan at tumatawag sa pangalang Paloma, isa sa karakter ni Coco Martin sa pelikulang “3Pol Trobol: Huli Ka Balbon” mula sa CCM Film Productions na idinirek din ng aktor.
Gandang-ganda ang lahat kay Paloma kaya pansamantalang nawala sa eksena si Coco habang ginaganap ang parada. Sandali ring nakalimutan ng mga tao ang karakter niyang si Cardo Dalisay sa FPJ’s Ang Probinsyano.
Ilang araw bago ang Parade of Stars ay nabalitang hindi makakadalo si Coco sa parada dahil sobrang sama ng pakiramdam nito bukod pa sa may schedule raw ng shooting sa bagong pelikulang gagawin nito sa Star Cinema at sa katunayan, araw ng Sabado ay may look test at pictorial pa siya.
At totoo nga, hindi nakarating si Coco sa parada, dahil ang rumampa sa Parade of Stars ng MMFF 2019 ay si Paloma kaya ang saya-saya ng production at ng mga naghintay kay Coco dahil inakala nga nilang sina Ai Ai delas Alas at Jennylyn Mercado lang ang makikita nilang nakasakay sa float ng “3Pol Trobol: Huli ka Balbon.”
Narito ang pagkakasunud-sunod ng mga float sa MMFF 2019 Parade of Stars.
“Mission Unstoppable, The Don Identity” nina Vic Sotto at Maine Mendoza; “Culion” starring Iza Calzado, Jasmin Curtis Smith at Meryll Soriano; “Write About Love” na pinagbibidahan nina Joem Bascon, Miles Ocampo, Rocco Nacino at Yeng Constantino; “3Pol Trobol: Huli Ka Balbon” nina Coco Martin, Sam Milby, Ai Ai delas Alas at Jennylyn Mercado.
Naroon din siyempre ang float ng “Miracle In Cell No. 7” nina Aga Muhlach, Xia Vigor at Bela Padilla;
“Sunod” nina Carmina Villaroel at JC Santos; “Mindanao” ni Judy Ann Santos; at “The Mall, The Merrier” nina Vice Ganda at Anne Curtis.
Samantala, habang tinitipa namin ang balitang ito ay trending sa social media ang litrato’t video ni Coco bilang si Paloma.
* **
Narito naman ang announcement ng MMDA at organizers ng MMFF 2019 tungkol sa nagaganap na Parade of Stars.
“Ngayong darating na linggo na (Dec.22; 1:00 P.M.) ang pinaka-aabangan nating PARADA NG MGA ARTISTA sa TAGUIG CITY!!
“Mula sa LAKESHORE C-6 patungong ML Quezon, MRT Ave, Mckinley Parkway, 32nd St., 7th Ave., 26th Ave., 5th Ave., LeGrand Ave., Chateu Road at magtatapos sa MCKINLEY WEST OPEN GROUND kung saan may kaunting pagtatanghal na magaganap ang mga artista.
“Makikita natin sa kani-kanilang mga floats sina Vic Sotto, Iza Calzado, Miles Ocampo, Coco Martin, Aga Muhlach, Carmina Villaruel, Judy Ann Santos, Vice Ganda at NAPAKARAMI pang hinahangaan nating mga artista!!
“ABANGAN!!”
MOST READ
LATEST STORIES