DALAWANG tao ang nasawi sa magkahiwalay na aksidente sa lalawigan ng Isabela, Biyernes ng hapon at Sabado ng madaling-araw.
Sa pinakahuling insidente, nasawi ang vendor na si Jeffrey Lappay, 39, matapos masalpok ng pick-up ang kanyang tricycle sa Cauayan City, ayon sa ulat ng Isabela provincial police.
Nasalpok ng Ford Ranger pick-up na dala ni John Jericho Isidro, 27, mula pang Maynila, ang tricycle sa bahagi ng National Highway, Brgy. District 2, ala-1:10 ng madaling-araw Sabado.
Sa lakas ng impact ay tumilapon si Lappay mula sa tricycle.
Lumabas sa imbestigasyon na lumiliko pa-kaliwa ang tricycle nang masalpok ng pick-up.
Nasugatan naman si Isidro at naka-“hospital arrest,” habang isinusulat ang istoryang ito.
Una dito, dakong alas-4:40 ng hapon Biyernes, nasawi ang isang Mely Almazan nang masalpok ng motorsiklo sa bahagi ng highway na nasa Brgy. Rugao, Ilagan City.
Tumatawid si Almazan nang masalpok ng motor na dala ni Mark Buncag, 27, miyembro umano ng Army.
Nasugatan si Bungcag kaya dinala sa pagamutan.