Female personality napilitan nang aminin ang anak sa pagkadalaga

PANAHON ngayon ng mga umpukan. Pinagpipistahan sa mga ganu’ng pagkakataon ang maraming personalidad na may pinalutang na kakaiba at markado.

Pinagkukuwentuhan nu’ng gabing ‘yun ang isang female personality na napakatagal na panahong ipinagkaila ang pagkakaroon niya ng anak nu’ng bago siya pumasok sa pag-aartista.

Kuwento ng isang source, “Hindi niya naman kasi puwedeng idenay ‘yun, kasi, alam na alam ng mga kasamahan niya sa modelling world na napakabata niyang nagkaanak.

“Alam ‘yun ng mga kasamahan niya, pero tigas pa rin siya sa pagdedenay, pamangkin lang daw niya ang bagets na nakatira sa house nila. Pinaalaga lang daw sa kanila ng mommy niya ang bagets.

“Nu’ng pumasok na siya sa showbiz, e, ganu’n pa rin ang stand niya. Hindi niya anak ang bata, pamangkin lang niya, hindi siya nagkaanak nu’ng bago siya mag-artista at magmodelo!” madiing chika ng aming source.

Umarte siya, nag-host, hanggang sa lumutang na nga ang totoo dahil inilabas ng isa niyang dating kasambahay ang totoo.

Patuloy ng aming impormante, “Talagang pinaninindigan pa niyang wala siyang anak, maraming beses na siyang kinausap nang masinsinan ng mga kasamahan niya sa isang show, pero ayaw pa rin niyang umamin!

“Wala raw, tsismis lang daw ‘yun, may gusto lang daw manira sa kanya. Talagang hindi siya umaamin, wala siyang anak, period!

“Hanggang sa inilantad na nga ng dati niyang kasambahay na totoo, maagang nagkaanak ang female personality, alam na alam niya ‘yun dahil matagal din siyang nagserbisyo sa mag-ina.

“Isang araw, heto na ang female personality, umaamin na! Oo raw, totoo raw na nagkaroon na siya ng anak bago pa man siya nag-artista.

“Teenager na kasi ang bagets, hindi na niya puwedeng itago pa ‘yun, saka meron na nga kasing naglabas ng totoo! Kiyemedora rin ang girl na ‘yun, e!

“Napakarami nang nagtanong sa kanya kung totoo ‘yun, pero pinaikut-ikot pa niya ang sagot! Wala raw, nakakaawa naman ang bagets na idinedenay ng kanilang magulang, di ba?

“Kantahan na lang natin siya, ibahin lang natin ang lyrics ng song, ‘Pem-pem de sarapen!’ ‘Yun siya!” pagtatapos ng aming impormante.

Bradly Guevarra at Tita Nene Ulanday, hindi na siguro kayo mauupo n’yan sa Row 4 na katabi ang mabahong basurahan!

Read more...