Allen Dizon ayaw nang gumawa ng serye: Mawawalan ako ng oras sa pamilya ko

JUDY ANN SANTOS AT ALLEN DIZON

NAGING mabiyaya ang 2019 para kay Allen Dizon dahil unang salvo pa lang ng Enero ngayong taon ay nagkaroon na agad ng local screening ang pelikula niyang “Alpha: The Right to Kill”.

Isa ito sa mga pelikulang ipinagmamalaki ng aktor sa direksyon ni Brillante Mendoza. Ipinalabas din ito sa bansang France at sa kasalukuyan ay sa Japan naman gumagawa ng ingay ang movie.

Ang pelikula niyang “Persons of Interest” na dinirek ni Ralston Jover ay naging official selection sa A-List na Shanghai International Film Festival kung saan inimbitahan at dumalo si Allen kasama ang kanyang pamilya. At ang latest movie niyang “Mindanao” na idinirek din ni Brillante Mendoza ay nagkaroon naman ng red carpet premiere sa Busan Film Festival sa Korea kung saan magkasamang dumalo sina Allen at Juday.

Samantala, si Allen lang ang dumalo sa nakaraang 41st Cairo International Film Festival sa Egypt kung saan nanalo si Juday ng Best Actress para sa “Mindanao” na entry din ngayon sa 45th Metro Manila Film Festival na mapapanood na simula sa Dis. 25. Ayon kay Allen, mas gusto niyang gumawa ng indie films kaysa sa mainstream dahil awards talaga ang habol niya.

“Mas gusto ko ang indie films kasi pang award, di ba? Tsaka pumapasok sa festival. Kapag commercial hindi lahat pang-award,” katwiran ng premyadong aktor. Sa pagkakatanda ni Allen ay nasa 70 pelikula na ang nagawa niya at nasa 34 awards naman ang nakamit niya mula sa mga ito.

Sa 2019 MMFF ay si Aga Muhlach ang makakalaban niya sa pagka-Best Actor sa mahusay nitong pagganap sa “Miracle in Cell No. 7” handog ng Viva Films. Reaksyon ni Allen, “At least, Aga Muhlach ‘yun, kung sino man sa amin okay lang, I’m sure ibinigay niya ang best niya sa ‘Miracle,’ ako rin naman. Saka ang mapasama ang ‘Mindanao’ sa festival tuwang-tuwa na kami tapos pag nagkaroon pa ng award, bonus na.”

Bukod sa mas gusto ni Allen ang indie films ay hindi rin niya masyadong type gumawa ng teleserye dahil, “Ayaw ko lagi nang nagpupuyat kasi kapag nag-teleserye ako hindi ko na makikita ang pamilya ko, kami ni misis ang naghahatid-sundo sa mga anak namin, kaya ayaw kong natatali ako.

“Pag may shooting ako, wife ko ang sumusundo sa mga bata sa school, wala kaming katulong, kami-kami lang kaya hands-on talaga kami sa mga anak namin. Saka sa pelikula ang buhay ko, mas gusto kong gumawa ng pelikula kaysa sa teleserye kasi nga natatali ka, ayaw ko noon. Nakakapagod kasi ang araw-araw (ang taping),” dagdag niya.

Ang huling serye ni Allen sa ABS-CBN ay ang Doble Kara na tumakbo ng dalawang taon (2015-2017). Pero kapag two days taping lang ay okay kay Allen tulad ng Maalaala Mo Kaya. Noong Marso ay nagwagi siya ng Best Performance by an Actor in Single Performance sa Gawad Tanglaw Awards para sa pagganap niya sa “Duyan” episode kung saan nakasama niya si Meryll Soriano.

Muli siyang nag-MMK katambal si Pokwang sa episode na “Better Tomorrow” at sa darating na Pasko ay may episode naman sila ni Alessandra de Rossi na may titulong “Ani Ng Tagumpay.”
Sa darating na 2020, excited si Allen sa pagpapalabas ng pelikula niyang “Latay (Battered Husband)” katambal si Lovi Poe under BG Productions sa direksyon ni Ralston Jover.

Read more...