APAT na tripulante ang nasagip habang nawawala ang kanilang kapitan matapos umanong lumubog ang kanilang barko sa bahagi ng dagat na malapit sa Batanes, ayon sa pulisya.
Nakilala ang mga nasagip bilang sina Rene Fernadez, 58, ng Quezon City; Ryan Parungaw, 27, ng Sta. Lucia, Ilocos Sur; Raymund Cotiangco, 33, ng Guiguinto, Bulacan, at Arnold Espanola, 42, ng Malabon City, ayon sa ulat ng Ilocos Norte provincial police.
Dinala sila ng mga nakasagip sa bayan ng Currimao at unang itinurnover sa mga tauhan ng Coast Guard doon, Biyernes ng umaga, ayon sa ulat.
Nawawala pa umano ang kapitan nila na si Charlemagne Tambago.
Sinabi sa pulisya ng mga nasagip na naglalayag sila sa pagitan ng Batanes at Taiwan nang lumubog ang kanilang barko.
Nasagip umano sila ng isa pang napadaang sasakyang pandagat.
Dinala na ang mga nasagip sa Municipal Health Office para masuri at mabigyan ng lunas, ayon sa pulisya.