Alak, Babae, Shabu (ABS)

DI lamang ang maipagmamalaking mga kamag-anak ang binanggit kundi maging ang mga kahiya-hiya. Iyan ang Pagninilay sa talaangkanan ni Kristo sa Ebanghelyo (Gen 49:2, 8-10; Sal 72:1-4, 7-8, 17; Mt 1:1-17) sa kapistahan ni San Florian, sa mga huling linggo ng Adbiyento.
o-o-o
Magpa-Pasko noon nang patayin ng sindikato ng droga sina Mac-Mac at pinsan, ng North Caloocan. At nang kapanayamin ang nanay, nagpasalamat pa siya’t pinatay ang kanyang anak na wala nang pag-asang magbago simula nang maging adik sa shabu (ABS ang tawag noon sa padre de pamilyang lulong sa bisyo; na ang ibig sabihin ay alak, babae at sugal. Ang sugal ay shabu na, dahil mas may thrill daw). Ang pamilya ni Mac-Mac ay kilalang palasimba; kumukumpleto ng Simbang Gabi dahil 30 hakbang lang ay nasa loob na sila ng Ina ng Laging Saklolo.
o-o-o
Hindi siya pinabayaan ng ina dahil lahat ng pakiusap at paraan ay ginawa nito para lamang mawala ang shabu sa buhay ng anak. Mismong ina na rin ang nagsuko sa anak sa pulisya kaya itinala ito bilang drug surrenderee. Pero, sadyang palos si Mac-Mac at hindi matiyempuhan ng mga pulis. I-salvage na ninyo, atas ng ina sa pulis, dahil wala nang magawa ang mga layko’t pari para magbago ang nalihis ng landas.
-o-o-
Sa kasalanan ay may karimlan. Pero si Maria, sa Ina ng Laging Saklolo (deboto ang nanay ni Mac-Mac sa Kanya) ay may gabay ng liwanag “because her womb contains the heavenly light (Fr. John Macalisang, Mother Mary, Patroness of Philippine History).” Kasalanan ang pinili ni Mac-Mac, hanggang sa iniwan na siya ng asawa’t anak; ikinandado na rin ng nanay ang maliit na bahay para di makapasok ang anak at muling manggulo, kasama ang barkada. Sa Simbang Gabi sa mga huling araw ng Adbiyento, walang bakas ng dalamhati ang nanay, na masayang tumutulong sa simbahan.
o-o-o
Sa sinapit ng anak, mayaman na sa karanasan ang ina, na umaming di niya kayang labanan ang demonyo. Noo’y binalewala lang niya ang mga bisyo ng anak, at ipinagdasal na magbabago rin ito, tulad ng ginawa ni Santa Monica (nagbago si Agustin at naging santo pa’t pantas ng simbahan). Pero, mali pala na dedmahin ang demonyo dahil mas lalo lang siyang naglatag ng maraming bitag at panlilinlang para magtagumpay ang tentasyon “until it becomes almost impossible for us to resist them.”
o-o-o
Nilalabanan din ng PNP ang demonyo na dala ng mga sindikatong Intsik na galing China. Mali man ang gamit na salita pero natutuwa na rin ang PNP dahil ang mga biktima ng sindikato ay kapwa nila Intsik. Sila-sila. Ang unang ABS (Alak, Babae, Sugal) ang dala ng mga Intsik (pera pa rin ang ugat ng lahat). Bawal ang sugal sa China kaya dito sa Metro Manila ang malalaking operasyon. Magaan ang parusa kontra sugal sa Pinas; di tulad sa China na bitay. Bitay ang parusa sa droga sa China. Ang batas na bitay na ikinakasa sa Pinas ay kinokontra ng mga politiko at hanggang ngayon ay tagumpay ang mga hungkag na opisyal.
o-o-o
Simple kidnaping lang (at hindi complex) ang mga kasong nalutas ng PNP na kinasangkutan ng mga Intsik. Madali nga nilang nalulutas ang mga kaso (papuri sa PNP). Meron silang hiningi sa panahon ng isang dating opisyal na magkaroon ng Mandarin (atbp) classes para maintindihan nila ang mga Intsik at hindi sila niloloko kapag nag-uusap ang mga ito, lalo na sa presinto. Umalis ang dating opisyal at nakabimbin ang request. Kung may US Peace Corps Volunteers noon, na nagturo ng Ingles sa mga lalawigan, sana’y meron ding magtuturo ng Mandarin, sa ilalim ng nilagdaang cultural exchange ng bansa at China.
o-o-o
Ang unang dapat gawin sa problema sa pagbabasa ng kabataan ay amining malaki na ang problema at hindi ang pagbabalangkas ng kung anu-anong gagawin para malutas ito. Kaya nga nagkaroon ng problema ay binalangkas ang K+12, na hindi naman angkop sa Pinas. Malinaw na problema na rin ang pagdagdag ng dalawang taon sa pag-aaral ng kabataan. Hindi tumalino ang kabataan sa dagdag na dalawang taon.
o-o-o
UST (Usaping Senior sa Talakayan sa San Vicente, Malolos City, Bulacan): Inaalikabukan na lang ang mga panukalang batas sa Kongreso na nagpapalawig ng mga benepisyo sa senior citizens at dagdag-proteksyon kontra abuso. Ilan sa mga panukalang batas ay ginamit para makakalap ng boto ng matatanda sa nakalipas na halalalan. Pero, malabo ang sinasabing tulong sa senior dahil ito’y nakapaloob sa di malinaw na “assistance program.” Anong “assistance” at anong programa? Nadenggoy na naman ang matatanda, na patuloy pa ring pinaaasa.
o-o-o
PAGBABAHAGI sa NilaYan (Nilay-Ugnayan sa santo Nino, Malolos City, Bulacan): 2019: Sa talaan na isinumite pagkatapos ng talakayan hinggil sa “mahahalaga,” hindi pera o gadgets ang nanguna. Ang mahalaga pala, ngayong Pasko’t Bagong Taon ay “relationships.” May ibig ipahiwatig ito. Panandalian na lang ang relationships at sa bawat pagbabago ng relasyon ay lalong nagiging komplikado ang buhay at nagiging magulo.
o-o-o
PANALANGIN: O Diyos, tulungan Mong laging alalahanin ng ina ang ibinigay Mong pinakamahalagang tungkulin. Fr. Mar Ladra, ng Healing Eucharist, na itinataguyod ng Philippine Daily Inquirer.
o-o-o
MULA sa bayan (0916-5401958): Bakit pag kalamidad, nawawala na ang mga tauhan ng isang sekta. …3124, Magnaga, Pantukan, Davao de Oro.

Read more...