HINDI nagpakaplastik ang Kapamilya singer-actress na si Yeng Constantino sa pagsasabing hinahangad din niya ang manalo ng award sa 2019 Metro Manila Film Festival awards night.
Isa si Yeng sa mga bida sa official entry ng TBA Studios na “Write About Love” kasama sina Joem Bascon, Rocco Nacino at Miles Ocampo, sa direksyon ni Crisanto Aquino.
Inamin din ni Yeng na habang papalapit ang pagsisimula ng MMFF ay mas tumitindi rin ang nerbiyos na nararamdaman niya, pero very positive siya na magugustuhan ng madlang pipol ang “Write About Love.”
“Sobrang ninenerbiyos po talaga. Siyempre we want na kung ano ang pinaghirapan ng team ay maging worth it. At grabe po, puspusan ang pagdarasal ko, araw-araw, gabi-gabi, paggising, ‘Lord, ikaw na ang bahala sa amin,'” ani Yeng sa presscon ng “Write About Love” kasama ang leading man niya sa movie na si Joem.
Very proud din niyang ikinuwento na talagang nag-audition siya para sa movie, “Alam ko na marami pong magaling umarte. Sinuong ko po ang ganoong pagsubok na hind ko in-allow ang sarili ko na manghina ang loob at pinush ko ang sarili ko to grow as an artist talaga.”
Bigatin ang mga makakalaban nila sa 2019 MMFF, pero naniniwala si Yeng sa kalidad ng kanilang entry, “Laban lang kahit minsan feeling mo ay pader ‘yung babanggain mo, suong lang ng suong.
“Maganda po talaga ‘yung story ng pelikula. I think ito po ay unique. Sa generation ngayon, ‘yung mga kabataan lalong-lalo na gustong-gusto nila nang kakaibang istorya. This is something that they would want to watch,” lahad pa ng Kapamilya singer.
Nagpasalamat din siya sa lahat ng mga pumuri at nagandahan sa pelikula, lalo na sa magagandang feedback na kanyang natanggap sa ipinakita niyang akting.
“Nakita ko ang mga write-up sa amin at may mga pumuri naman sa acting ko, nakakatuwa naman. Level up unlocked! Yes!” pahayag ni Yeng.
In fairness naman kay Yeng, talagang pang-award ang akting niya sa movie bilang partner ni Joem na dumaan sa mala-roller coaster ride na relasyon. Siguradong pagkatapos ipalabas ang “Write About Love” ay marami ang magsasabi na aktres na talaga si Yeng.
Madrama ang ilang eksena nina Joem at Yeng sa movie na siguradong magmamarka sa manonood lalo na sa mga magdyowa na may pinagdaraanan.
“He’s very…alam mong seasoned. Kapag off cam si Joem palabiro parang baby, pero kapag acting na, doon mo mapi-feel ‘yung quality ng acting niya ay hindi galing sa isang baguhan kung hindi isang aktor na seryoso sa craft,” sey ni Yeng.
At tungkol naman sa award, “Aba ay sana po. Hindi naman po ako magde-deny na dine-desire ko po.
Maganda po ‘yon sa portfolio ko kumbaga bilang isang artist. Hindi lang bilang mang-aawit pero sa pag-grow ko as an artist sa ibang larangan. So hopefully po.”
Best gift ever din daw ang pagkakaroon niya ng MMFF entry lalo na ngayong nagdiriwang siya ng kanyang ika-13 taon sa showbiz.
“Last Dec.16 ay 13 years na ako sa industry. Ang nagpaalala sa akin ay Yengsters parang nag-throwback sila ng performance ko nu’ng Pinoy Dream Academy. Ang sarap lang to celebrate my anniversary with TBA with a film na ‘Write About Love,” sey pa ni Yeng.
Showing na ang “Write About Love” sa Pasko.