NABIGYAN din ng pagkakataong makilala sa mundo ng telebisyon ang isang munting personalidad na inakala ng buong bayan na babae pero lalaki pala.
Meron siyang kaparehang munting dalaga rin, tapos na ang kanilang panahon, kaya balik sa reyalidad ang munting lalaking personalidad.
Kuwento ng isang source, “Nakakaawa na siya ngayon, balik siya sa pagbubukid sa probinsiya nila. Nakikipagtrabaho na lang siya, naubos kasi ang mga naipundar niyang properties, dala na rin ng kahirapan.
“Nu’ng mga panahong mabentang-mabenta pa sila ng partner niya, e, marunong siya sa pera. Bili siya nang bili ng mga lupa sa probinsiya nila.
“Kapag wala siyang sapat na halaga, e, hinuhulugan niya ang mga lote. Kapag naman kumikita siya nang malaki, e, cash kung bilhin niya ang mga lupa.
“Kung bulagsak ang partner niyang bulinggit din, e, ibang-iba itong male personality, talagang mapagpahalaga siya sa pera,” unang chika ng aming impormante.
Pero dahil ilang taon na nga siyang hindi kumikita, naibenta na ng kanyang pamilya ang mga nabili niyang ari-arian, ‘yun ang ipinanggagastos nila sa araw-araw.
Patuloy ng aming impormante, “E, ilang taon na siyang walang trabaho? Magkaroon man siya ng pelikula, e, per day lang naman ang kinikita niya.
“So, halos lahat na talaga ng naipundar niya, pati mga kagamitan nila sa bahay, e, naibenta na rin niya. Kung napuno niya ng mga appliances ang bahay nila nu’ng nasa TV pa siya, ngayon, e, parang bodega na lang ang house nila.
“Walang-wala nang laman. Sa sahig na nga lang sila kumakain dahil napilitan na rin silang ibenta ang kanilang dining set. Nakikipagsaka na lang talaga siya ngayon.
“Dati, e, siya ang nagpapatanim ng palay, pero ngayon, siya na ang nakikipagtanim, naibenta na niya ang lahat ng lupa na nabili niya nu’ng malakas pa ang mga raket niya.
“Mataas ang pride ng munting binata natin, ayaw niyang lumapit sa mga naging kaibigan niyang artista. Kahit du’n sa male host na napakalaki ng naitulong sa kanya, ayaw niyang lumapit.
“Kahanga-hanga siya. Maliit man siyang naturingan, e, titingalain mo siya dahil sa kanyang prinsipyo. At marunong siya sa buhay, hirap na hirap man ang pamilya nila, e, siguradong kakain pa rin sila nang tatlong beses sa isang araw.
“Hindi na ‘yun usapin ng mura ba o mahal ang presyo ng kinakain nila, basta, hindi sila nagugutom!” pagtatapos ng aming source.
Bradly Guevarra at Tita Nene Ulanday, siguradong hindi kayo mauupo ngayon sa Row 4 na katabi ang mabahong basurahan, pramis!
* * *