Payo ni Juday kay Sarah kapag kasal na kay Matteo: Pagsilbihan mo ang asawa mo

“HUWAG mong masyadong seryosohin ang pag-aasawa!”

Yan ang isa sa mga payo ni Judy Ann Santos sa kanyang kaibigan na si Sarah Geronimo na itinuring na rin niyang kapatid sa tunay na buhay.

Ito’y kaugnay na rin ng engagement ng Popstar Royalty sa kanyang long-time boyfriend na si Matteo Guidicelli.

Kung matatandaan nagsimula ang magandang relasyon nina Sarah at Juday nang magkasama sila sa isang pelikula noong 2010, ang comedy-drama na “Hating Kapatid”.

Mula noon naging parang tunay na mag-ate na ang relasyon nila at hanggang ngayon kahit na hindi sila nagkikita nang madalas ay naroon pa rin ang pagmamahal at malasakit nila sa isa’t isa.

Sa nakaraang episode ng Tonight With Boy Abunda natanong ng TV host na si Boy Abunda si Juday kung ano ang maipapayo niya kay Sarah ngayong engaged na ito kay Matteo.

“Siguro, ang maa-advice ko lang sa kanya huwag mo lang masyadong seryosohin ang pag-aasawa. Darating siya, eh. Don’t stress yourself with things that you cannot control, because it’s already there.

“Just enjoy the first years of marriage, the years na kayong dalawa lang,” pahayag ni Juday.

Isa ang tinaguriang Teleserye Queen sa iilang celebrities na masasabing happily married. Sampung taon na silang kasal ng TV host-actor na si Ryan Agoncillo at biniyayaan pa ng tatlo silang anak – sina Yohan, Lucho, at Luna.

Dagdag pang payo ni Juday kay Sarah, “Aralin mo, intindihin mo mabuti, pagsilbihan mo ang asawa mo. I’m sure si Matteo will serve her, take good care of her, protect her.

“Namnamin niya ‘yung moment, because iba ‘yung first months, and first year ng bagong kasal. Ang sarap!” aniya pa.

Read more...