Coco istriktong direktor: P10K multa pag may violation sa shooting

ANG pagiging istrikto ni Coco Martin marahil ang hindi masakyan ng ilang nakatrabaho niyang artista sa FPJ’s Ang Probinsyano.

May ilang artistang lumabas sa serye na sandali lang ang naging exposure dahil na rin sa pagiging pasaway. Hindi na namin babanggitin kung sinu-sino sila pero ang balita namin hindi nila ma-gets ang working attitude ni Coco.

Nu’ng minsang makakuwentuhan namin ang manager ni Coco na si Biboy Arboleda ay nabanggit nito ang magandang patakaran ng alaga niya sa set. Kapag gabi ang mga kukunang eksena ay 5 p.m. o 7 p.m. ang call time nila, para bago pumutok ang araw pack-up na sila.

Sabi nga namin, ang galing ng naisip ni Coco dahil talagang nabibigyan pa rin ng sapat na pahinga ang mga artista, staff at crew ng Probinsyano.

Marami pang revelation ang lumabas tungkol kay Coco nang magkuwento isa-isa ang mga artistang kasama sa “3Pol Trobol: Huli Ka Balbon” na entry ng CCM Film Productions ngayong 2019 Metro Manila Film Festival.

Iisa ang sinasabi ng lahat, “istrikto at generous” si Direk Coco. Pag oras ng trabaho, walang kai-kaibigan dahil lahat sila artista na kailangang gawin ang karakter nila. Pero pagkatapos naman ng shoot ay chill-chill na ang lahat.

Sa mediacon ng “3Pol Trobol” ay nabanggit na pati uniporme ng Task Force Aguila at ibang pulis na kasama sa Probinsyano ay pinupuna ni direk Coco kapag hindi maayos, pati ang kintab ng sapatos at medyas ay dapat ayon sa kulay na sinabi ng direktor-aktor.

“Tsine-tsek ko po talaga pati medyas nila, ganu’n ako kahigpit, bawal ma-late kahit 5 minutes. Kapag na-late ka, magpe-penalty ka pakakainin mo ang buong set. Dapat po talaga turuan mo ng tamang attitude ang lahat, walang pasikatan dito, lahat pantay-pantay,” katwiran ni Coco.

Nakasabay namin sa elevator si Sancho Vito na kasama rin sa pelikula at inamin niyang, “Siyempre hindi mo naman i-expect na makikita pa kung iba kulay ng medyas mo kasi nakapantalon ka naman, e, na-check, hayun multa ka ng P10,000.”

Hirit namin, “Bakit 10K?” “Kasi po pakakainin mo ang lahat ng tao sa set,” sagot ng aktor.
Paliwanag pa ni direk Coco kung bakit ganito siya kahigpit pagdating sa trabaho.

“Hindi ko rin alam, basta ang pinakaano, gusto ko ‘yung ginagawa ko, mahal ko ‘yung ginagawa ko. Bakit ako mahigpit sa co-actors ko, kasi lagi kong tinitingnan ang sarili ko sa kanila na noong nagsisimula ako, hindi ako naglalaro sa set kasi gusto kong mangyari sa kanila ‘yung nangyari sa akin (umasenso).

“Na ang trabahong ito hindi laru-laro, ‘yung pagiging artista natin hayaan mo na sa mga tao ‘yan kung tatawagin kang ‘idol’ o kung anuman ang tinatawag nila sa inyo. Narito tayo para magtrabaho.
“Naniniwala ako na maraming magagaling na artista pero iilan lang ‘yung propesyunal sa trabaho nila at sa palagay ko, ‘yun ang mga artistang nagtatagal. Kaya habang nagsisimula pa lang sila (payo sa mga baguhan), ‘yun ang nilalagay ko sa isip nila,” ani Coco.

Ito naman ang dahilan ni Coco kung bakit maaga siya lagi sa set at kung bakit gusto niya ng on time lagi ang lahat, “Kasi po gusto kong makauwi nang maaga ang lahat bilang artista gusto kong makauwi ng maaga para sa family ko at kung mayroon akong ibang trabaho bukas, mayroon pa rin akong lakas para sumegue.

“Kaya lagi kong sinasabi sa lahat na agahan natin, mag-focus tayo sa trabaho para ma-pack up tayo ng maaga para lahat masaya hindi lang mga artista kundi pati staff and crew,” ang paliwanag mabuti ni Coco.

Mapapanood na ang “3Pol Trobol: Huli Ka Balbon” sa Dec. 25, kasama rin dito sina Ai Ai delas Alas, Sam Milby, Mark Lapid, PJ Endrinal, Pepe Herrera, John Prats, Carmi Martin, Smuglazz, Bassilyo, Sancho Vito, Jhong Hilario at marami pang iba.

Read more...