NILINAW ni Coco Martin ang sinabi ni Vice Ganda na pumayag na siyang maging “first runner-up” every time magtatapat ang mga pelikula nila sa Metro Manila Film Festival.
Sa presscon ng 2019 MMFF entry ni Coco na “3Pol Trobol: Huli Ka Balbon” sinabi ni Coco na wala naman daw isyu sa kanya kung ano’ng number nila sa box-office standing ng mga entry sa MMFF.
Ang importante kay Coco alam niya na pagkatapos ng December filmfest ay proud siya sa outcome ng “3Pol Dobol” especially ‘di lang siya ang bida, siya pa ang nagdirek, nagsulat at nag-produce nito.
“Alam ko na hindi ako napahiya sa mga co-actors ko kasi, artista rin ako, e. Alam ko ‘pag pangit ang pelikulang ginawa ko, e. Parang, ang lungkot after. And then, hindi ka na nila ulit gusto makatrabaho. E, eto , proud ako. Kaya, confident ako,” sabi ng actor-director.
Para kay Coco, may obligasyon na siya sa mga tao na gumawa ng pelikula na ipalalabas sa araw ng Pasko, “Opo, kasi, ginagawa naman namin ‘to para sa mga tao. Unang-una, syempre, sabi ko nga po, sana, ‘yung ibabayad ng mga tao, sa hirap ng buhay na dinadaanan natin ngayon, sulitin natin ‘yung ibabayad. ‘Yun ‘yung unang-una.
“Kasi, sisiguraduhin natin na lalabas sila ng sinehan na masaya sila. At, sulit ‘yung binayad nila. Kasi, sa hirap ng pinagdadaanan natin ngayon, minsan ang mga Pilipino isang beses na lang manood ng pelikula sa isang taon dahil sa mahal. Pero dapat, ngayong Pasko sulitin na natin ang ibabayad nila,” dagdag niya.
Kaya naman wala rin siyang nararamdamang pressure sa sinasabing kompetisyon sa takilya ng mga pelikulang kasali sa MMFF “Kasi, kumpiyansa kami sa proyekto, e, sa materyal namin. Kasi, alam namin na ‘yung ginagawa naming pelikula, ang iniisip namin ‘yung mga manonood. Hindi para makipag-compete kahit sa kaninong pelikula.”
Tungkol naman sa mga kasama niya sa movie na sina Ai Ai delas Alas, Jennylyn Mercado at Sam Milby, talaga raw handpicked nila ang mga ito para sa nasabing proyekto.
“Ako, honestly, ‘yung title ni Mama Ai, ‘yung Comedy Queen, ‘yun ang dahilan kung bakit ko siya naisip dito sa proyekto. Kasi nu’ng una sabi ko, naisip ko ‘yung project , ang iniisip ko na una, artista. ‘Yung inisip ko, ‘Sino pa ‘yung hindi ko pa nakakatrabaho?’ Kasi ako, mahilig ako sa combination, e. ‘Yung kapag pinanood ng mga tao, ‘Uy, talaga? Mapapanood namin sila?’
“Kasi, tulad niyan, magkaibang network kami. From, ABS to GMA, siyempre iniisip ko, kung manonood sila, ‘yung hindi pa nila nakikita.
“Tapos si Jen, siyempre, iba kapag nakasama mo ang princess ng GMA, ‘di ba? At isa sa pinakamaganda at pinakamagaling na artista. Kaya nu’ng nilapitan ko si Jen, kasi, nakatrabaho ko na siya, e. Sa indie film na Nars.
“Saka, sabi ko, aminin na natin, siyempre, in terms of business, kailangan ko sila. Kaya ako talaga ‘yung lumapit sa kanila para humingi ng tulong para mabuo ang pelikulang ‘to.
“Sobra ko ring tinatanaw na utang na loob na pumayag si Sam na makasama sa pelikulang ‘to. Kasi, Sam Milby ‘yan para, honestly, nagdadalawang-isip ako, e, ‘Papayag kaya siya na this time, siya ‘yung kalaban namin, siya ‘yung kontrabida?’ Pero hindi kami nagdalawang-balik para tanggapin niya ‘yung project,” tuluy-tuloy na kwento ni Coco.
Naikuwento rin ni Coco ang eksena nila ni Sam sa movie kung saan binuhay niya ang karakter ni Paloma na unang napanood sa Ang Probinsyano na ikagugulat daw ng manonood.
“Sinagad ko na talaga! Actually, isa sa highlight ng pelikula, iyong eksena namin ni Sam. Nilalandi ko siya. Sumasayaw ako sa harapan niya. Ganyan. Tapos, magki-kiss kami. Iba! Ibang-iba! Kasi, sabi ko nga, gagawa ka ng comedy, sagarin mo na! Wala nang tipiran.
“Wala nang iniisip mo ang mga hindi ini-expect ng mga tao. Sabi ko nga, sana lang, after nito, lalo na iyong mga nanonood ng Probinsyano, bumalik ang pagtingin nila kay Cardo. Baka maiba, e! Ha-hahaha! Iyong respeto, sana, nandoon pa rin!” natawang lahad ni Coco.