Malditang young actress walang utang na loob, manang-mana sa magulang


NATURALESA na pala ng isang kilalang young actress ang pagiging maldita. Kahit pala nu’ng hindi pa siya nabibigyan ng tsansang magbida sa isang serye ay ganu’n na siya talaga.

Minsan din palang nakitira ang pamilya ng young actress sa isa nilang kamag-anak, literal na binuhay silang mag-iina ng nasabing pamilya, pero ngayon ay hindi man lang nila naaalalang kumustahin.

Ayon sa aming source, “Huwag na ‘yung pasasalamat, ‘yung sana, e, kumustahin man lang nila ang mga taong tumulong at nagpala sa kanila nu’n!

“Bata pa si ____ (pangalan ng malditang young actress) nu’ng ilang taon silang nakitira sa relatives nila, nakakaawa kasi silang mag-iina, wala talagang matitirhan.

“Pero ngayon, e, ni hindi man lang nila kinukumusta ‘yung mga taong napakalaki ng naitulong sa kanila. Porke ba kaya na nilang mabuhay dahil kumikita na ‘yung young actress?

“Nasa magulang din ‘yan, e! May pagmamanahan talaga ‘yung young actress, manang-mana siya sa pinagmanahan niya!” unang chika ng aming source.

Ilang dating katrabaho naman ng young actress sa pinagbidahan niyang serye ang nagsasabi na nu’n pa man ay may kamalditahan na siya. Hindi lang sa kanyang driver, hindi lang sa kanyang PA, kahit kanino ay nagmamaldita siya.

Isang impormante naman ang nagkuwento, “Bukod kasi sa seryeng ‘yun, e, meron pa siyang tinanggap na commitment na hindi naman kasinghaba ng serye. Pang-ilang weeks lang ‘yun. Tanggap siya nang tanggap ng work, e, hindi niya naman pala kayang panindigan!

“Pinagsabay niya ang mga trabaho niya, kaya kapag nagpapakamalditang bida siya sa set, e, ang sobrang pagod ang idinadahilan niya. Pinagpayuhan nga siya ng isang female personality na huwag siyang tanggap nang tanggap ng work kung apektado naman pala ang katawan niya.

“Alam n’yo ba kung ano ang isinagot niya? Ayaw raw ibigay ng network sa ibang artista ang trabaho, para raw talaga sa kanya ‘yun, dahil magandang babae ang kailangang magbida!

“So, hindi niya kasingganda ang ibang mga kapwa niya youngstars? Siya na ang pinakamaganda, siya na ang pinakamagandang manika sa kanilang lahat, ganu’n ba?” nakataas ang kilay na pagtatapos ng aming impormante.

Doll ba kanyo, Bradly Guevarra at Tita Nene Ulanday, kaya may iba pa ba?

Read more...