Wedding proposal, prenup shoot nina Maja at Rambo sa Cuba…fake news

WALANG wedding proposal, walang prenuptial photoshoot!

Yan ang paglilinaw ng The Killer Bride lead star na si Maja Salvador tungkol sa balitang malapit na silang ikasal ng kanyang boyfriend na si Rambo Nunez.

Sa ginanap na thanksgiving presscon para sa The Killer Bride, hindi totoo ang chika na nag-photoshoot sila ni Rambo para sa kanilang wedding matapos ngang kumalat ang mga litrato nila na kuha sa Havana, Cuba.

“Hindi, di ba nauuso yun? Siyempre nakiuso lang ako sa mga sweet escape na ‘yan. So nung nandun na, sayang kung puro selfie lang. So kumuha kami ng photographer,” ani Maja nang humarap sa entertainment media last Saturday.

“Tapos very awkward kami kasi yung mga pinapagawa sa amin na pose pang prenup na. So tawang-tawa kami,” dagdag pa ng award-winning actress.

Ani Maja, isa sa mga hilig nila ng kanyang boyfriend ay ang mag-travel at looking forward na siya sa 2020 dahil marami silang plano ni Rambo para sa kanilang travel goals.

“Wala pa man, pero parang may butterflies na sa stomach ko hindi ko alam kung bakit. Parang I’m very excited na mag-2020 maybe because nalalapit na ang pagtatapos ng The Killer Bride, but happy din kasi ang dami ring travels din ang naka-ready na naka-plan. So may mga na-book na kami so very excited na akong mag-travel ulit,” sey pa ni Maja.

Magkasama ring magse-celebrate ng Pasko sina Maja at Rambo with the actress’ family. At sa New Year lilipad sila papuntang Japan kasama naman ang pamilya ni Rambo. Pero ipinagdiinan ni Maja na wala pang kasalang magaganap soon.

* * *
Samantala, marami pang pasabog ang The Killer Bride sa mga susunod na episode nito sa ABS-CBN Primetime Bida. Tutukan ang mga susunod na laban ni Camila (Maja) ngayong nabunyag nang si Alice (Precious Lara Quigaman) at ang killer groom ay iisa.

Magsasanib-pwersa sina Camilaz Vito (Geoff Eigenmann), Emma (Janella Salvador) at Elias (Joshua Garcia) para patumbahin ang kalaban na walang habas na pumatay ng mga inosenteng tao sa Las Espadas.

Samantala, mas marami pang karumal-dumal at kontrobersyal na krimen sa Las Espadas ang mauungkat dahil napapanood na ngayon ang extended version ng serye na “The Killer Bride: Killer Cuts” sa iWant.

Matutunghayan sa “The Killer Bride: Killer Cuts” ang unrated at uncensored na mga eksena ng primetime serye na magbubunyag sa mga sekretong pilit gumugulo sa isipan ng mga manonood at magdadala sa kanila sa malagim na huling sandali ng mga karakter sa serye.

Dapat ding abangan ang paglipad ng sky lanterns sa palabas dahil sa bawat paglipad nito, isang buhay ang mawawala. Ito rin ang simbolong dapat tutukan ng mga manonood sa pagpunta nila sa iWant dahil ang episodes na may logo ng sky lantern ang naglalaman ng “Killer Cuts.”

Bagama’t nalalapit na ang pagtatapos, patuloy pa ring namamayagpag sa ere ang The Killer Bride at nangunguna sa national TV ratings tuwing gabi. Kamakailan ay nagkamit ito ng all-time high national TV rating na 25.6%, ayon sa datos ng Kantar Media.

Napapanood pa rin ang The Killer Bride sa ABS-CBN after Starla.

Read more...